SUPPORTERS

Tuesday, September 2, 2014

Rebound of Foul Hearts Chapter 15



KYLE SANTOS

ANDREI TENG

CARLA

ANNE

ALDRIN
 
REBOUND OF FOUL HEARTS
Undisputed Bromance Novel by: Joemar Ancheta
 
(Note from the Author: Sa lahat ng nag-iwan ng kanilang comments, maraming salamat po. Dahil diyan, isang matamis na "mwahh!" ang para sa inyong lahat. Sa nag-iwan ng maanghang na comment, ayos lang 'yan. Push mo 'yan ng i-push and at the end of the day, baka magbigay sa'yo ng munting kaligayahan. Nakangiti lang ako oh! ha ha - Joemar Ancheta)
 
Chapter 15
Andrei's Point of View
 
                    Pagdating namin sa Manila at tinanggal ni Kyle ang palad niya sa palad ko ay alam kong babalik na kami sa realidad. Yung katotohanang may girlfriend kaming naghihintay sa aming pagbabalik. Hinawi ko ang kurtina. Nakita ko si Carla, nakasandal sa kotse niya. Malungkot ang mukha. Bigla akong nakaramdam ng awa. Wala siyang ginawa sa akin para suklian ko siya ng pananakit. Gusto ko siyang mahalin tulad ng dati ngunit bigla na lang siyang nawala sa puso ko at kahit anong gawin ng isip kong ipaintidi na siya ang dapat itibok ng aking puso ay hindi ko magawa. Ngunit paano ko siya bibitiwan kung alam kong hindi din naman bibitiwan ni Kyle si Anne. Ayaw kong darating yung araw na kapag bitiwan ko si Carla at mawawala din sa akin si Kyle at sa huli, maiiwan akong mag-isa. Hindi magiging "fair" sa akin na hiwalayan ko si Carla at si Kyle kay Anne ay hindi. Isa pa, paano ko sasabihin kay Carla ang dahilan? Paano ko kakayaning makita siyang umiyak dahil hindi ko na siya mahal. Mahirap ngunit kailangan kong manatili kay Carla habang palihim na may nangyayari sa amin ni Kyle. Unfair, alam ko pero kailan pa laging fair ang pagmamahal?
                    "This is it." bulong ni Kyle bago siya tumayo at kunin ang kaniyang bag sa taas ng aming upuan.
                    "Yeah, here we go." paanas kong sagot. Gusto kong pigilan muna siya at kausapin, makarinig sa kaniya ng isang pangakong lihim pa din kaming magkikita. Nais kong mag-iwan siya ng katiting na panghahawakan kong ipagpapatuloy namin ang aming munting lihim ngunit nagsitayuan na ang aming mga barakong kasama. Maririnig o makikita nila kami. Ni hindi ko siya mayakap o kaya mahawakan dahil natatakot akong makahalata ang mga ka-team namin. Sosolohin kong muli ang kagustuhan kong iyon. Mananatiling pangarap na lang ba sa akin na muli kaming mabibigyan ng pagkakataon tulad nang nangyari sa Zambales?
                    Nang tumayo ako para kunin ko ang bag ko ay naroon pa din siya. Naghihintay na tuluyang makalabas ang mga kasamahan naming nasa unahan ng bus.
                    Nabunggo ng balikat ko ang balikat niya. Sapat na 'yon sa akin para maramdaman siya. Makukuntento na sana ako sa isang mabilis niyang sulyap na may kasamang ngiti at kindat.
                    "Mag-ingat ka ha?" bulong niya sabay  ng mabilis at patagong paghawak niya sa palad ko. Pinisil niya iyon saka mabilis na binitiwan. Tumalikod na siya.
                    "Ikaw din." bulong ko. Hinawakan ko din ang pakurbang bahagi bago ang puwit niya. Sarap kasing hawakan ang may katigasan na iyon na bahagi ng kaniyang katawan.
                    Humarap siya sa akin. Muli niya akong tinitigan. Nakita ko sa mukha niya na marami siyang gustong sabihin sa akin at ganoon din ako sa kaniya ngunit paano? Tinapik niya ang balikat ko bago siya muling tumalikod at naunang naglakad para bumaba. Sumunod din ako sa kaniya. Titig na titig ako sa kabuuan ng likod niya. Sana akin lang siya. Sana maging kami parin sa huli. Muli, alam kong isang pangarap lang iyon. Mahirap magkatotoo dahil siya mismo ay alam kong hindi niya magawang ipaglaban ako. Pagbaba namin sa bus, may nagmamay-ari na sa aming naghihintay sa aming pagdating.
                    Mabilis na sinalubong siya ni Anne pagkababang-pagkababa pa lang niya. Ibinagsak ni Kyle ang bag niya, niyakap niya si Anne, binuhat ng paikot habang magkahinang ang kanilang mga labi. Damn! Damn it! Gano'n nila kamiss ang isa't isa? Gano'n siya kawalang pakialam sa mararamdaman ko? Parang paulit-ulit na nasasaksak ang puso ko. Nanginginig ako. Saan nanggagaling ang pagseselos? Walang kami ni Kyle. Ngunit kahit walang kami, mahal ko siya. Hindi naman kailangan maging opisyal na kami para sabihing wala akong karapatang magselos. Emosyon ko ito, ako lang ang makapagsasabi kung may karapatan akong damhin iyon and damn it! I am claiming that I do have the right to be jealous! Iyon nga lang, yung karapatang sabihin at iparamdam iyon sa kanilang dalawa, wala. Ni katiting ay wala akong karapatang ihayag iyon kay Anne.
                    Bumunot ako ng malalim na hininga. Sasaktan ko lang ang sarili ko kung mananatili akong nakatayo sa likod nila at pagmasdan sila. Nakita ko si Carla. Nakatitig sa akin habang nakatitig ako kanina kina Anne at Kyle. Nakasandal lang siya sa kaniyang kotse. Alam kong nagtatampo siya. Mali hindi lang pala nagtatampo, nasasaktan siya dahil sa nararamdaman niyang pagbabago sa akin. Pinilit kong pinasaya ang aking mukha nang nagtagpo ang aming mga paningin. Mabilis akong naglakad para lapitan siya at yakapin. Ngunit bago ko pa siya mayakap ay bahagya niya akong itinulak.
                    "Bakit nakapatay ang iphone mo at di mo man lang ako nagawang itext o tawagan?" diretsuhan niyang tanong.
                    "Lowbat ako." simpleng sagot ko pero ang totoo, pinatay ko lang ang iphone ko dahil kay Kyle.
                    "That's it?" nagsusuplada pa din niyang wika. Halatang hindi kuntento sa dahilan ko.
                    "Yes, that's it! Pagod ako Carla. Gusto ko nang umuwi at magpahinga. Can we just go home?" dala parin iyon ng sakit na nararamdaman ko sa nakita ko kina Anne at Kyle.
                    "Ang cold." Huminga ng malalim si Carla. Kitang-kita ko din ang pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi. Mas lalo akong tinamaan ng awa.
                    "I'm sorry." gusto ko siyang yakapin ngunit mabilis na siyang sumakay sa kotse. Umikot ako para sumakay sa kabila. Bago ko binuksan ang pintuan ay nahalata kong nakatingin sa amin sina Anne at Kyle.
                    "Wait guys!" si Anne. Nagmamadaling lapitan kami. "Can we at least go for a dinner bago kayo umuwi?"
                    "Give us a minute to talk please?" hiling ko kay Anne.
                    "Ahh okey. Take your time guys. Dito lang kami. Just let us know kung pwede kayo." nakangiti pa din si Anne.
                    "Thank you." sarkastiko ang ngiti ko bago ako sumakay at isinara ang pintuan ng kotse.
                    "Dinner daw, nagugutom ka ba?" tanong ko. Gusto ko lang basagin yung katahimikan.
                    Hindi pa din siya sumasagot.
                    Bumunot ako ng malalim na hininga. Ginagap ko ang kamay niya dahil sa totoo lang, awang-awa akong nakikita siyang nakayuko lang at lumuluha. Alam kong marami siyang gustong itanong, marami siyang gustong sabihin ngunit hindi niya alam kung paano niya iyon sisimulan dahil alam ko kung gaano niya ako sobrang mahal. Yung sobrang mahal na ayaw niya akong masaktan sa kaniyang mga sasabihin o natatakot siyang maoffend niya ako sa kaniyang itatanong. Gano'n siya kabait.
                    Hinalikan ko ang kaniyang kamay.
                    "Sorry na please?" bulong ko. Hinila ka siya. Inilagay ko ang ulo niya sa balikat ko at hinalikan ko siya sa kaniyang noo.
                    Bakit ganito kahirap ang sitwasyon? Mahal na mahal ko si Kyle ngunit sobrang sakit naman sa akin na makitang nasasaktan ko si Carla. Yung tipong hindi ko siya kayang bitiwan dahil alam kong maaring hindi niya kakayaning mawala ako sa kaniya.
                    "Nagugutom ka baby?" tanong ko. Gusto kong sumagot siya dahil pinapatay na ako ng tahimik niyang pag-iyak.
                    Tumango siya at tumingin sa akin.
                    Ngumiti ako kasunod ng paghalik ko sa kaniyang labi.
                    "Sorry na ha?" buong puso kong paghingi sa kaniyang patawad.
                    "May magagawa pa ba ako." nagpakawala siya ng malalim na hininga. "Syempre dahil mahal kita, patatawarin kita. Pero please, kapag ga'nong nasa biyahe ka naman at magkalayo tayo, sana magparamdam ka kasi sobrang miss na miss kita kapag wala ka sa tabi ko. Huwag mo naman doblehin ang pagpapahirap sa akin. Wala ka na nga sa tabi ko, hindi pa kita makontak. Alam mo 'yon." humihikbi siya habang sinasabi niya sa akin iyon.
                    "Alam ko. Naiitindihan kita baby ko." pinunasan ko ang luha niya. "Gusto mo magdinner na lang tayo. Yung tayong dalawa lang. Nagugutom din kasi ako."
                    "Nagsabi kasi si Ate Anne na magdinner tayong apat then after dinner, puwede na daw tayong maghiwa-hiwalay para makapagpahinga kayong dalawa ni Kuya Kyle."
                    "Ibig sabihin pala may usapan na talaga kayo?"
                    Tumango lang siya.
                    "Kahit nagtatampo ka sa akin, pumayag ka pa din na magdinner tayong apat?"
                    "Alam ko naman sa sarili ko na kahit anong tampo ko sa'yo, konting sorry mo lang, patatawarin agad kita kaya kahit sobrang sakit na, hindi din naman kita matitiis." Humihikbi niyang sagot.
                    Lalo tuloy akong parang hindi makawala sa kaniya. Sa bait ni Carla sa akin, paano ko magagawang iwan at saktan siya? Pero paano naman ang sinasabi ng puso ko? Paano naman yung tunay na kaligayahan ko, ngayong kilala ko na ang sarili ko at alam ko na ang talagang gusto ko.
                    "Sabi ko kay Ate Anne, pupunta tayo kasi daw, di pa nila tayo nati-treat mula nang lumabas si Kuya Kyle sa hospital nang naaksidente siya sa huling laro ninyo. Ikaw, ayaw mo ba?"
                    "Aayaw pa ba ako e libre na? Saka nagsabi ka na palang pupunta tayo eh. Pa'no, tara na?" nakangiti kong wika habang hinahaplos ko ang balikat niya.
                    "Sige, sabihan ko sila." nakangiti na siya kahit mapula-pula pa ang luhaan niyang mga mata.
                    Pagbaba niya ay sandali muna akong nanatili sa loob. Hindi ako dapat patalo sa emosyon ko. Alamin ko at makuntento ako sa kung ano lang ako sa buhay ni Kyle. Nasasaktan ko na si Carla. Nagagawa ni Kyle na panatilihin ang pagmamahal niya kay Anne at dapat gano'n din ako kay Carla. Mas matanda si Kyle sa akin kaya mas nakakaya niyang kontrolin ang emosyon niya ngunit hindi na ako gano'n kabata para hindi ko siya kayang sabayan. Para kay  Kyle at kay Carla, kailangan kong sumabay.
                    Pagbaba ko ay buo na ang aking ngiti. Nilapitan ko si Carla at hinalikan muli sa labi saka ko siya inakbayan. Magkahawak-kamay na lumapit sa amin sina Anne at Kyle. Hindi ko titignan si Kyle sa mga mata. Nagdesisyon akong tuluyan ko siyang huwag tignan para hindi masaling yung rubdob ng aking pagtatangi sa kaniya. Iyon lang ang defense mechanism ko para hindi na masaktan at para makontrol ko ang aking nararamdaman.
                    "So, mukhang okey na kayo. Sunod na lang kayo sa amin?" si Anne.
                    Sumagot si Carla. Nakangiti lang ako. Kay Carla ako nakatingin at hindi sa kanilang dalawa.
                   
                    Pumasok muna si Kyle sa CR habang naghihintay kami ng order namin. Kanina ko pa siya gustong kausapin. Iyon na yung pagkakataong hinihintay ko. Kailangan ko siyang sundan.
                    Naghuhugas na siya ng kamay sa sink sa labas ng mga cubicle pagpasok ko. Umiling siya nang makita niya ako.
                    "Putcha naman pare, sumunod ka talaga? Baka makahalata sila niyan." may diin ang winika niyang iyon. Medyo nasaling nito ang pride ko. Hindi ko nagustuhan.
                    "Anak ng... saan ako iihi pare? Sa CR ng mga babae?" tinungo ko ang urinal. "Akala mo kasi gano'n ako ka-adik sa'yo 'no. Order ka mamaya ng humble pie na pandessert mo, pre."
                    "Puwede namang pagbalik ko sa table natin, ikaw naman ang aalis para umihi." sagot niya. Tapos na siyang maghugas. Tuyo na din ang kamay niya. Ewan ko lang kung bakit hindi pa siya lumalabas.
                    Hindi ako sumagot. Pagkatapos kong umihi lumapit ako sa kaniya.
                    Umatras siya.
                    Titig na titig ako sa kaniya, palapit ng palapit.
                    "Ano ba! Huwag dito ano ka ba?"
                    Hindi ako sumagot pero nakatitig lang ako sa kaniya.
                    "Baka biglang may papasok. Kilala tayo ng mga kalalakihan. Basketball player tayong dalawa, Drei." singhal niya ngunit hindi ang mga sinabi niyang iyon ang magpapatigil sa akin sa gusto kong gawin. Binasa ko ang labi ko.
                    Napapalunok na siya. Aatras pa sana siya pero lapat na lapat na ang likod niya sa dinding. Nang lumapat ang katawan ko sa katawan niya ay malakas niya akong itinulak.
                    "Huwag ka ngang ganyan. Ilugar mo naman please!"
                    Pero lumapit pa din ako. Sa pagkakataong ito, mas matapang na ako, mas naninindigang ipaglaban ang karapatan ko.
                    "Makakatikim ka sa akin, Drei!" singhal niya nang muling naglapat ang katawan namin. Ngunit hindi na niya ako itinulak.
                    Inilapit ko pa lalo ang katawan ko.
                    Napabuntong-hininga siya.
                    Halatang bumibigay na lalo na amoy na niya ang hininga ko.
                    Napalunok siya.
                    Idiniin ko ang kamay ko doon. Bumulwak agad ang hand wash liquid soap sa isa kong kamay. Karapatan kong gumamit no'n na nasa bahaging tagiliran lang niya. Iniwan ko siya. Pangiti-ngiti ako at napapailing. Binuksan ko ang faucet at hinugasan ko ang kamay ko. Tumingin ako sa kaniya sa salamin. Naroon pa din siya. Hindi makatingin sa akin ng diretsuhan. Napahiya  yata. Buti nga sa kaniya.
                    "Sarap ng hopya ano pare? Wala kasi sa menu nila kanina, ioorderan sana kita ih!" natatawa kong banat habang pinupunasan ko ang kamay ko gamit ang tissue.
                    Namumula siya. Hindi magawang bumanat. Napahiya nga!
                    "Tapos nang umihi, nakapaghugas at punas na din ng kamay, anong hinihintay sa loob at di pa lumabas?" Lumapit ako sa kaniya. Malapit na malapit na halos magkahalikan na kami. "P're, kasama ko ang girlfriend ko. Huwag ka masyadong bilib sa sarili ano? Di kita papatusin dito. Mahal mo si Anne? Puwes mahal ko din si Carla. Amanos?" tinitigan ko siya. Matagal, seryosohan.
                    Ngunit paglabas ko nanghihinayang ako. Gahibla na lang tang ina, mahahalikan ko na sana siya. Nasa pribadong lugar na kami makakausap ko na sana siya. Makakakuha na sana ako ng panghahawakan kong mga salitang bubuo pa din sa tiwala kong puwede pa din kami ng patago kahit kasama namin ang aming mga nobya. Kaya lang inunahan niya ako ng kaplastikan niya eh. Binara ako ng sinungaling niyang bibig!
                    "Si Kyle? Nauna ka pang lumabas sa kaniya." si Anne. "Kahit kailan talaga ang kupad niyan."
                    "Nagswimming pa yata." natatawang sagot ko. "Nagswimming sa pool ng self-confidence." yung pangalawa, siyempre sa utak ko na lang.
                   
                    Sa wakas kainan na! Habang kumakain kami ay mas binigyan tuon ko ang pagkain at si Carla. Isang tanong, isang sagot lang ako. Kapag may nakakatawa, tumatawa ako pero kapag si Kyle ang nagkukuwento, nakikinig ako pero hindi ako sa kaniya nakatingin. Ang atensiyon ko, nasa pagkain at kay Carla. Sinusubuan ko siya, inisip kong kami lang dalawa ang naroon. Kahit hindi ko tinitignan sina Anne at Kyle, alam ko kung gaano din sila ka-sweet sa isa't isa. Maraming mga tanong tungkol sa team building namin at hinayaan ko si Kyle ang magkuwento. Duhhhh! Edited! May mga kuwento pa siyang hindi ko alam na nangyari pala. Surprised naman ako sa galing niyang magkuwento (ng hindi totoo) at bilib naman ako sa galing niyang magtago (ng little secret naming dalawa).
                    "Yang si Andrei mo ba nagluko na?" diretsuhang tanong ni Anne kay Carla nang natapos na ang fiction narrative report ni Kyle sa trip namin.
                    Hinawakan ni Carla ang kamay ko.
                    "Honestly, hindi pa po. Ako kaya ang unang girlfriend at nag-iisa pa din sa puso niya. Hindi ba baby?"
                    Nasamid ako.
                    Bago ako makasagot ay naramdaman ko ang pagsipa ni Kyle sa paa ko na nasa tapat ko lang.
                    Tinignan ko siya.
                    "Baby, di ba ako lang sa puso mo? Ako lang ang nag-iisa sa buhay mo mula noon?" si Carla uli.
                    Nagkatitigan kami ni Kyle dahil sa pagsipa niya muli sa akin. Nakikita ko sa mga mata niya ang kagustuhan na sagutin ko ang tanong ni Carla. Iniisip pa din talaga niya na hindi ko masagot iyon at natatakot na mabuking kami. What the fuck na isipin niyang bibigay ako sa pagkakataong iyon. Steak ang nilalantakan niya hindi sangkaterbang okra para dudulas lang sa akin na ipangangalandakan kong mahal ko siya sa harap ng girlfriend namin.
                    "Oo naman." Inakbayan ko si Carla. "Siya lang, ang una at huling babae sa buhay ko." titig na titig ako kay Anne at kay Kyle nang sinabi ko iyon. "dahil lalaki na ang mahal ko ngayon, si Kyle." siyempre yung huling iyon, di ko na sinabi pa. Naglaro lang iyon sa isip ko.
                    "E, si Kuya Kyle ate. Loyal ba 'yan sa'yo?" Kay Kyle naman ako tumingin. Gusto kong pag-aralan kung paano siya ngayon magsisinungaling. Alam ko, mahal niya si Anne, pero hindi na siya naging loyal. May nangyari sa amin at kahit di niya diretsuhang inaamin na mahal niya ako, alam kong malaki na ang puwang ko sa puso niya.
                    "Noong una..." umiling si Anne. Ibig sabihin no'ng una, hindi. "Di lang sa basketball 'yan player, pati sa girls. Alam mo ba, ipinaglaban ko talaga siya. Hindi ako sumuko hangga't naramdaman ko na lang na ako na lang ang naiwan sa mga babaeng naghahabol sa kaniya. Gwapo eh." kinindatan pa niya si Kyle. "Saka di ba loyal ka na sa akin ngayon, hon?" humawak si Anne sa braso ni Kyle.
                    "Loyal ah! Loyal ba talaga pare?" pangiti-ngiti kong bulong. Joke lang sa akin 'yon. May masabi lang para mailabas ang selos.
                    "Oo naman." bahagya niya akong sinipa.
                    Bago yumuko si Kyle ay nagkatitigan muna kami.
                    Namumula ang hinayupak. Loyal daw ah!
                    Tinulungan ko si Carla na hati-hatiin ang steak niya. Nakaugalian ko na dati pa na prinsesa siya sa akin kapag kumakain kami. Kusa ko na talagang ginagawa iyon. Alam ko kung kailan niya kailangan ang tissue, kung kailan siya iinom ng juice niya at ng tubig. Alam kong naramdaman iyon nina Anne at Kyle. Yung kilalang-kilala namin ni Carla ang isa't isa. Effortless ang ka-sweetan. Parang normal lang na punasan ni Carla ang gilid ng labi ko. Yung ayusin niya ang kinakain ko. Lahat ng ginagawa namin sa isa't isa, walang pagkukunwari, walang halong pagka-trying hard kasi nga sanay kaming gano'n mula noon at ilang taon na namin iyon ginagawa.
                    Pagkakain, tumayo ako. Alam na ni Carla iyon. Iihi talaga ako at sasaglit sa CR. Nakaugalian na.
                    Dahil fine dine-in ang kinainan namin kaya bibihira ang gumagamit ng toilet, kokonti din naman kasi ang customer nang gabing iyon.
                    Apat ang cubicle. Pumasok ako sa pinakadulo. May urinal sa labas na inihian ko nga din kanina pero mas pinili ko ang cubicle. Isinara ko iyon bago ako umihi. May kaluwangan sa loob, may sink, tissue, at maliit ding salamin. Pagkatapos kong umihi. Naghugas ako ng kamay. Tinignan ko ang mukha ko sa salamin. Sunog. Tama, namumula ang mukha ko dahil bahagyang nasunog ng araw.
                    May naulinigan akong pumasok din ng CR. Pagbukas ko ng cubicle ay nakita ko na agad si Kyle. Mabilis niya akong itinulak pabalik sa loob. Isinarado niya ang pintuan ng cubicle. Nanatili akong nakasandal sa gilid.            Nagulat. Naguguluhan.
                    Nagalit kaya siya sa pambabara ko kanina sa kaniya tungkol sa pagiging loyal niya?
                    "Ikaw?" pabulong. Dinuro niya ako. Ibinaba niya ang kaniyang hintuturo. Tinitigan niya ako. Abut-abot ang malalalim niyang hininga. Muli siyang tumalikod saka niya ako hinarap. Nanatili ako sa kinatatayuan ko pero nakahanda ang kamay kong sumangga kung susuntukin niya ako.
                    "Andrei...Tang ina naman oh! Andrei..." nanginginig siyang lumapit sa akin.
                    Bigla na lang niya akong hinila. Niyakap ng mahigpit at namilog ang mga mata ko nang sinisiil na niya ng mainit at maalab na halik ang aking labi. Gumanti din ako. Nanginginig kaming dalawa. Para kaming malagutan ng hininga. Mapusok ang aming mga labi, nanginginig at di mapakali ang mga kamay naming humahaplos sa likod ng bawat isa.
                    "Hindi ko alam kung bakit pati kay Carla nagseselos na ako." pabulong niyang sabi habang magkahinang pa ang aming mga labi.
                    "Bakit kailangan mong magselos, ibig sabihin, mahal mo na ako?"
                    Tulad ng dati ayaw niya akong sagutin. Ayaw niya sa aking aminin o sabihin kung ano talaga ang kaniyang nararamdaman ngunit pagbabasehan ang mga ginagawa niya, alam ko na ang sagot. Mas gusto ko iyon kaysa sa sabihin niya't kulang din naman siya sa gawa.
                    "Mahal mo na ako hindi ba Kyle?" tanong ko uli. Iba pa din kasi kapag diretsuhang naririnig mo iyon sa taong mahal mo.
                    "Kailangan ko pa bang sagutin 'yan?"
                    "Gusto kong marinig na sabihin mo sa akin."
                    "Nagseselos ako sa girlfriend mo di ba? Anong ibig sabihin no'n?"
                    Dahil doon ay ako naman ang humalik sa kaniya. Alam ko na.
                    "Sa tingin mo ba hindi din ako nagseselos kay Anne?"
                    "Pero bakit parang wala lang sa'yo. Hindi ko maramdamang nagseselos ka?"
                    "Bakit, ikaw ipinaramdam mo ba sa akin 'yon? Nasasaktan ako pero ano ba tayo para pairalin ko 'yon. Sana tayo na lang, para may karapatan na ako sa'yo."
                    "Para bigyan kita ng karapatang ihayag ng harap-harapan ang pagseselos mo? Para mas masasaktan ka kapag di mo nagugustuhan ang nakikita mo? Drei, lagi tayong ganito. Lagi tayong magtatago, lagi tayong palihim kung magtagpo. Laging takot na may makakita sa atin. Pero sa mga panandaliang panakaw na sandaling kasama ka, tandaan mo, ito yung mga sandaling pinakamasaya sa akin. Mahal kita, ngunit hindi puwedeng maging tayo." bulong niya.
                    Narinig ko na din sa wakas sa kaniya ang salitang gustong-gusto kong bigkasin niya. Kahit pa hindi ko nagustuhan ang sinabi niyang hindi puwedeng maging kami, ang mahalaga ay alam kong mahal din niya ako, tulad ng pagmamahal ko sa kaniya. Iyon naman talaga ang mahalaga.
                    Muling nagdiwang ang aming mga labi, masaya ang aming mga puso. Mahal na mahal namin ang isa't isa at habang palalim ng palalim ang aming relasyon, padating at padating na din ang aming kinatatakutan.
                    May nagbukas ng pintuan. Kasunod iyon ng boses ni Anne.
                    "Kyle, nandiyan ka ba?"
                    Nagkatitigan kami. "Bakit siya pumapasok dito sa CR ng mga lalaki?" bulong kong may halong matinding pagtataka.
                    "Sosyo siya sa may ari ng restaurant na'to. Madalas siyang pumasok sa CR kapag alam niyang nandito ako." sagot niya.
                    "Damn it! E, alam mo naman pala eh, bakit ka sumunod? Akala ko ba nag-iingat ka?" bulong ko. Nanginginig na ang tuhod ko. Sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib at nakita ko din kay Kyle yung takot.
                    "Kasi..." halata ang takot niya.
                    "Kasi ano?"
                    "Kasi di ko na makontrol ang sarili ko kanina. Nawala ako sa sarili dahil ikaw lang ang tanging tumatakbo sa isip ko. Gustung-gusto na kasi kita kaninang mayakap at mahalikan." sagot niya. Kinilig sana ako kung di lang sa nararamdaman kong takot. Sana lumabas na si Anne sa CR.
                    "Kyle... Hon..." kinakatok na ni Anne ang cubicle kung saan kami nagtatago ni Kyle. Pakiramdam ko, gusto kong ma-flush sa bowl.