SUPPORTERS

Thursday, January 31, 2013

Katotohanan dapat malaman sa paglimot pagkatapos ng break up!



(Kasama ng pagtetext, pagtawag, pakikipagkita at pakikipagsex sa ex!) by Joemar Ancheta

Kapag iniwan ka, nakipagbreak ka, nalaman mong may iba pa siya, wala ng pagmamahal, ayaw mo sa ugali niya o kahit ano pang dahilan basta ang tungo ay paghihiwalay… iisa lang ang dapat gawin…ang paglimot!

Ito ang pinakamahirap na yugto ng pagmamahalan, ang tuluyang pagpapalaya sa taong naging bahagi ng iyong buhay. Masakit, mahirap ngunit nasa sa iyo kung gaano katagal mo gustong mahirapan. Wala tayong magagawa sa sakit at hirap ng paglimot dahil kahit anong gawin natin ay kabiyak iyan ng pagmamahal ngunit may magagawa tayo sa kung gaano katagal natin iiyakan, ibubuntong hininga at imisarable ang buhay natin sa paglimot sa kaniya.

Likas na sa nasaktan ang magtext o tumawag ng walang katapusan sa kaniyang ex. Nagmamakaawa, nagpapaliwanag, ibinababa ang pagkatao at lahat ng puwedng gawin ng taong lubos na nagmamahal ay iyong magagawa. Kung hindi niya sinasagot ang tawag o text ay pinupuntahan mo siya, muling magmamakaawa, iiyak at ang nakakahiya ay ang luluhod sa harapan niya balikan ka lang ng taong iyong sinasamba. Kung nasa mood ang iyong ex, pagbibigyan ka niya, magsesex kayo at dahil nangyari iyon, buong akala mo ay magkakabalikan kayong muli. Ngunit pinagbigyan ka lang niya. Nalibugan lang siya sa mga panahong naroon kang handang isuko ang iyong katawan. Parausan, ginagamit, niloloko, martir… iyon ba ang gusto mong tingin sa iyo ng taong minahal mo? At pagkatapos ng nangyari ay muli kang babalewalain, sasaktan o kaya ay iiwan at muli mong mararamdaman ang paulit-ulit na sakit ng paglimot dahil hindi ka bumibitaw. Parang sarap na sarap kang ulit-ulitin ang pag-iyak at pagnamnam sa sakit na pinapadama sa iyo. Kaya muli kang magsisimula sa dapat sana ay panahong naghihilom na ang sugat. Paulit-ulit iyon na mangyari sa buhay mo. Umpisahan mo ang paglimot, ang hindi pagtetex o pagtawag sa isa o dalawag araw at sa pangatlong araw ay kukumustahin mo siya dahil hindi mo na kaya na mawala siya sa buhay mo, kung hindi siya sumagot ay tatawagan mo siya, kung pinatay niya o hindi niya sinasagot ang celphone niya ay pupuntahan mo siya at makikipagkita. Isang katangahan dahil muli mo siyang binibigyan ng pagkakataong saktan ka ng paulit-ulit. Hindi mo ba alam na sa tuwing ginagawa mo ang pagsisiksik sa iyong sarili ay ang bilis naman ng kaniyang paglayo. Sa tuwing ipinipilit mo ang sarili mo sa kaniya ay siya namang pagkainis niya at mas lalo siyang lalayo. Walang tao ang may gusto na ginugulo, kinukulit at pinipilit. Hindi mo siya binibigyan ng panahong mamiss ka niya. Hindi ba’t namimiss lang natin ang mga taong matagal na nawalay sa atin? Mga taong binigyan tayo ng pagkakataong maisip at maalala sila dahil wala na sila sa tabi natin. Kailan ba naman natin mamimiss ang taong laging nakabuntot sa at laging nanggugulo. Hindi ba’t sila yung mga taong iniiwasan? Kaya isa ka sa mga iniiwasan niya dahil sa ginagawa mong panggugulo.

Ang mainam na gawin mo, kapag hiniwalayan ka ng taong mahal mo ay tanungin siya kung bakit, at kung sigurado na ba siya sa desisyon niya. Kung hindi niya sasabihin sa iyo ang dahilan. Huwag mo na siyang pilitin pa dahil maaring masasaktan ka lang. Kung nakumpirma mong may iba pa siya bukod sa iyo kausapin mo siya at kung itatanggi niya iyon kahit sigurado nang niloloko ka niya ay huwag mo na siyang piliting umamin dahil ang taong sinungaling ay hindi kailanman umaamin. Hindi lang siya manloloko, sinungaling pa kaya walang dahilan para hindi mo siya tuluyang iwan. Kung umamin siya at ikaw ang pinili niya, nasa sa iyo ang desisyon kung kaya mong patawarin ang minsang nanloko at nanira sa tiwala mo. Gusto ko lang ipaalala sa iyo na kung nasira na ang tiwala, siguradong pati ang pagmamahalan ay susunod ding mabubuwag. Kaya, kung darating ang panahong mabuwag iyon, dapat ay nakahanda ka dahil maaring uulitin pa niya ang ginawang panloloko sa iyo. Sa mga nabanggit, kaakibat nito ay sakit. Sa bawat sakit, iisa lang ang dapat gawin, ang paglimot o ang pagpapatuloy ng buhay na hindi na siya bahagi pa ng iyong kinabukasan.

Bawat isa sa atin ay may kaniya-kaniyang paraan kung paano makalimot. Ilan ay naghahanap kaagad ng puwedeng ipalit. Maaring gawin ito ngunit isaisip na kung piliting maghanap ay siya namang halos walang mahanap at kung kailan gustong magmahal ng iba ay saka naman walang mararamdamang pagmamahal. Iyon ay dahil hindi ka pa handa. Hindi mo binigyan ang sarili mo ng pagkakataong makalimot sa tamang paraan kaya sa tuwing tingin mo ay wala ng iba puwede magmahal kundi siya lang at muli mo siyang kontakin at balikan. Lalong nagiging masalimuot ang iyong buhay at walang katapusang proseso ng paglimot. Nasa gitna ka na ng daan papunta sa katiwasayan ng buhay ngunit nang sa tingin mo mag-isa ka parin ay muli kang bumalik sa kung saan ka nagsimula at ang iyong hakbang ay gumuho uli dahil panibagong pakikibaka na naman dahil hinayaan mo muling saktan ka. Ilang beses ka ba dapat masaktan bago magsawa o talagang tanga ka lang kaya iyan lang talaga ang nararapat sa kagaya mong hindi marunong magmahal sa kaniyang sarili.

Isipin mo na lang ang kahihinatnan mo kung ang gagamitin mong paglimot ay ang pagkakaroon ng kung sinu-sinong papalit sa kaniya? Paano kung muli kang mabibigo, paano kung hindi siya karapat-dapat sa iyo at paano kung sakabila ng pagmamahal niya ay ang ex parin ang nasa isip mo? Gumamit ka pa ng ibang masasaktan. Nandamay ka pa sa sakit na iyong kinasadlakan. Hindi mo alam, ikaw din ang lalong nasasaktan sa ginagawa mo dahil wala naman pala siyang pakialam sa mga ginagawa mo sa iyong buhay. Pinagtatawanan ka sa likod mo dahil sa kabobohang paraan mo ng paglimot. Maliban na lang kung nagmamahalan talaga kayo ng ipapalit mo sa ex mo, sa paraang iyon, ituloy ang nasimulan ng bago mo at huwag mo nang balikan pa ang ex mo kahit kailan dahil ang kasalukuyang nagmamahal sa iyo at minamahal mo ang siyang magiging tamang tao para sa iyo. Basta gawin mo ito, para sa iyo at hindi sa ex mo. Hayaan mong mamatay siya sa inggit at pagsisisi. Iyon ay kung minamahal ka nga talaga ng ex mo.

Ito ang dapat mong gawin kung nasasaktan ka na lang lagi at madami ka ng pinalampas na sakit. Kailangan mo na siyang kausapin at tapusin ang dapat tapusin. Pagkasabi niyang hihiwalayan ka niya. Titignan mo siya sa mata at sabihing “Hangad ko ang iyong kaligayahn.” Huwag mo ng dagdagan. Bilisan mo ang pag-alis sa lugar na iyon at huwag mo na siyang lilingunin. Damhin ang sakit. Iluha ang pagkabigo. Magkulong ka muna kung ayaw mong makahalu-bilo sa iba. Basta huwag mong piliting magiging okey kung nasasaktan ka pa. Damhin mo lang ang sakit. Nakakatulong din na sa panahong ito na may mga tao kang mapaghihingaan ng bigat sa dibdib. Sabihin lahat sa kaniya ang gusto mong sabihin. Iiyak mo lahat ang sakit ng loob mo sa mga maasahang kaibigan.

Lahat ng makapagpapaalala sa kaniya ay itabi mo sa hindi mo nakikita. Kung kaya mong palitan ang celphone number mo ay gawin mo. Basta ang pinakaunang rule sa paglimot ay “no contact at all.” Pilitin mong huwag magtext sa kaniya, huwag mong tawagan at huwag makipagkita. Tanggalin siya sa facebook mo o friendster at gawing private profile ang page mo. Huwag kang magtanong tungkol sa pangyayari sa buhay niya at kahit masakit ay kailangan mo munang iwasan ang mga kaibigan niya na nagiging kaibigan mo na din dahil sa kaniya. Iyan ang unang gagawin mo sa tatlong araw ng paglimot. Ibaon ang lahat ng magpapabalik ng alaala mo sa kniya.

Pagkatapos ng tatlong araw ay oras na para lumabas kang muli. Mag-ayos sa sarili, magpagupit, facial o mamili ng gustung-gusto mo para sa iyong sarili. Puwede ka ding lumabas kasama ng mga kaibigan. Mag-disco, malling, shopping, house party, videoke, comedy bars, manood ng sine o kahit anong puwedeng gawin depende sa abot ng budget mo. Puwede ka ding magjogging, magwalking o kaya ay mag-enroll sa gym. Isa ito sa mga pinakaepektibo na paraan para mawala ang depression at stress mo-ang paggigym. Basta lagi mong isipin ang rule…no contact at all.

Sa unang Linggo ay mangungulila ka ng husto sa kaniya. Ito ang yugto na kung saan ay parang hindi mo kayang mawala siya sa buhay mo. Yung halos gusto mo na siyang i-text at tawagan. Yung gusto mo ng makipagbalikan dahil sa sakit na nararamdaman. Ngunit sa tuwing gusto mo siyang i-text ay dapat may i-tetex kang iba. Kung dumadating yung panahong gusto mo siyang tawagan ay may mga kaibigan kang tatawagan na alam mong pipigilan kang gawin ang bagay na iyon. O kung hindi, puwede mong uliting basahin ang sanaysay kong ito para mahimasmasan kang hindi tama ang gagawin mo. Puwede mong iwan ang celphone mo sa kuwarto mong nakapatay at lumabas kayo ng mga kaibigan mo. Sa paraang ganoon ay kahit gusto mong i-text o tawagan siya ay hindi mo magawa dahil hindi mo hawak ang celphone mo. Sa unang Linggo, muli mong simulang gawin ang dati mong pinagkakaabalahan noong hindi mo pa siya nakilala. Ito rin ang tamang panahon para gawin ang gusto mong gawin na hindi mo nagawa dahil pinagbawalan ka niya. Ang lahat ay gagawin mo para sa iyong sarili at ni kahit katiting ay iwasan mong isama siya sa iyong mga binabalak sa hinaharap. Hindi na siya ngayon bahagi ng iyong buhay kaya tuluyan mo nang kalimutan ang lahat ng inyong mga binabalak.

Sa pangalawang Linggo ay lalong sisidhi ang kagustuhan mong makita siya. Panahon din ito kung kailan nagsisisi ka sa mga nagawa mo sa kaniya. Panahon din kung kailan gusto mong linawin ang mga bagay-bagay. Ngunit hindi mo dapat gawin ito. Nakalayo ka na. Kung nakaya mo ng isang Linggo, kakayanin mo uli ng isa pa. Basta sa panahong ito, “no contact at all” parin ang rule. Huwag ka paring magtatanong tungkol sa kaniya at kung sakaling aksidenteng magkita kayo, umiwas ka kaagad at huwag siyang kausapin. Huwag na huwag mong i-view ang friendster o facebook niya dahil masasaktan ka lang kung may makikita ka na hindi mo dapat makita. Ituloy mo lang ang gawin ang mga bagay na nasimulan mo kasama ng mga kaibigan. Sa pakikipag-usap tuluyan mo ng itigil ang pagkukuwento tungkol sa kaniya. Katanggap-tanggap iyon sa unang linggo ngunit hindi na mainam na pag-usapan pa sa pangalawang Linggo. Bukod sa hindi nakakatulong sa iyo, nagsasawa na din ang mga kaibigan mong makinig pa tungkol dito. Mahirap nang baka iiwasan ka din nila dahil sa paulit-ulit mong kuwento.

Sa pangatlong Linggo ay makikita mo ang pagbabago ng iyong buhay. Muli ka ng ngingiti, tatawa ngunit hindi ka pa tuluyang nakakamove-on. Papasok at papasok pa din siya sa isipan mo. Dahil namimiss mo na siya ay gusto mo ng makumusta siya ngunit sasabihin ko sa iyo, hindi iyan makakatulong bagkus pagsisihan mo lang dahil muli kang ibabalik sa kung saan ka nagsimula noon ng hapdi. Puwede ka na din makipagkilala at lumabas sa mga bagong kakilala ngunit iwasan mo munang bumuo ng relasyon. Hayaang mong matuwa ka sa bagong kakilala, sa bago nilang mga kuwento at bagong pagsisimula ng pagkakaibigan ngunit hanggang doon muna ang lahat.

Pagdating ng isang Linggo pa ay alam mong kaya mo ng ituloy ang paglimot. Natapos mo na ang tatlong Linggo na pinakamahirap na yugto ng paglimot. Nakayanan mo iyon at itanim sa isipan na kakayanin mong buuin ang isang buwan. Kung sakaling makabalita ka na may bago na siyang ka-date o kasintahan, damhin mo lang ang sakit at gamitin mo uli iyon para ituloy ang paglimot. Pagkatapos ng isang buwan, magiging madali na lang ang lahat basta ituloy mo lang ang hindi pagcontact sa kaniya. Kung sakaling siya ang magtetext at tatawag sa iyo, huwag mo ng pansinin. Nakalayo ka na at ituloy mo na ang laban. Siguradong mapapangiti ka kapag ginawa niya iyon ngunit huwag ka ng bumalik pa. Bigyan ng isang taon o higit pa at kung sa tingin mo ay kayo talaga, walang nagbabawal na balikan siya ngunit siguraduhin munang hindi na siya tulad ng dati pa. Tandaan na hindi nagagawa ng isang tao ang magbago sa ilang araw o buwan lang. Kailangan nito ng mahabang panahon bago mapatunayang nagbago talaga siya.

Pagkatapos ng ilang buwan o tatlong buwan na walang ugnayan, kahit nandoon parin ang sakit, alam kong kaya mo ng ituloy ang buhay mo. Ipakita mo sa kaniya na nagawa mong pagandahin ang takbo ng iyong buhay higit pa sa kaniya. sa muling pagkikita ninyo pagkaraan ng buwan o taon, dapat ay taas noo ka dahil alam mong naungusan mo siya. hindi ba’t nakatulong ang pang-iiwan niya sa iyo para lalo mong mapaganda ang iyong buhay? Kaya nga huwag mong sirain ang buhay mo sa walang silbing tao bagkus gamitn mo ang sakit para patunayan sa taong nanakit sa iyo kung sino ang pinakawalan niya at niloko pagdaan ng ilang taon. Mananalo ka. Titingalain ka din niya! At lama kong nakahanda ka na sa bagong kuwento ng pag-ibig na darating sa iyong buhay. Ang bagong kuwento ng pagmamahalang magbubuo sa iyong pagkatao. Manalig ka. Darating iyon na hindi mo inaakala

SA PAG-IBIG

 

 

 

SA PAG- IBIG (Mga katotohanan na kailangan malaman ng mga taong nagmamahal!) (by: Joemar Ancheta


Kadalasan, ang pag- ibig ay parang isang panaginip sa iyong pagtulog na bigla na lamang itong susulpot at biglang nawawala sa hindi maipaliwanag na kadahilanan. Minsan ay parang isang binhi sa iyong puso na unti- unting pinapalago ng iyong isipan hanggang magiging isang halaman na mag- uugat sa iyong damdamin at magiging bahagi na ng iyong sistema. Naihahalintulad din ito sa isang hinog na bunga ng bayabas na may napakasarap na amoy at napakakintab na balat subalit minsan sa loob pala’y nabubulok at inuuod. Subalit may mga pag- ibig din na kasindalisay ng tubig sa batis na matatagpuan sa gitna ng kagubatan at kasimpula ng namumukadkad pa lamang na bulaklak ng rosas. Mga iba’t ibang uri ng pag- ibig na siyang bumubuo sa kuwento ng iyong buhay. Pag- ibig na iyong iniiyakan, pag- ibig na nagdala sa iyo ng takot at pagkamuhi, pag- ibig na siyang nagtutulak sa iyo upang piliting abutin ang iyong mga pangarap, pag- ibig na siyang dahilan ng iyong ngiti at ligaya… pag- ibig na siyang bumubuo at naghatid sa kung sino ka na ngayon.

Hindi ba’t may ngiti sa labi kung bago kanlungin ng unan ang iyong ulo at yakapin ng iyong kumot ang iyong katawan bago matulog ay alam mong sa mga sandaling iyon ay may isang nilalang na iniisip ang iyong kapakanan at ang inyong kinabukasan? Hindi ba’t kaysarap magising sa umaga kung alam mong may isang tao na patuloy na nagmamahal sa iyo? Ang pag- ibig ay sadyang inihandog ng Diyos upang sa likod ng mga pagsubok na patuloy niyang ipinupukol sa iyo ay may kasama kang sumalo at magtiis upang malagpasan at mapaglabanan ang mga ito. Pag- ibig din ang dahilan kung bakit sa tuwing nabibigo ay may balikat na nakahandang naiiyakan at may maunawaing tainga na laging nag- aabang. Ang haplos mula sa minamahal ay nagbibigay ng lakas para ipagpatuloy ang pakikibaka.

Nabuo ka sa ngalan ng pag- ibig. Lumaki ka’t at nagkaisip ng dahil sa pag- ibig. Nabuo ang mundo ng dahil sa pag- ibig at patuloy kang umaasa kahit anong hirap ang iyong pinapasan ng dahil sa pag- ibig.

Halos ayaw mo nang magwakas pa sa tuwing nasa bisig ka ng taong mahal mo at ang inyong mga labi’y magkahinang at masuyo ninyong sinasamyo ang hininga ng bawat isa. Pakiramdam niyo’y nasa ulap kayo at sarili niyo ang daigdig. Kung maari lamang na hindi na magwakas ang kaunting sandali ng pagsasama. Kung sana ang bulungan na naghahatid ng musika ng pag- ibig na galing sa puso at isipan ay mananatili na lamang sa iyong pandinig at sa tuwing ikaw ay nalulungkot at nag- iisa ay may maririnig ka na bubuhay sa nananamlay mong araw.

Subalit sa kabila ng kaligayahang hatid ng pag- ibig, may sakit din itong kaagapay. Hindi ibig sabihin na kung ikaw ay nagmahal, ang laging kaakibat ay ligaya. Hindi ibig sabihin na kung ikaw ay umibig, ang taong minahal mo ay mahal ka din. Walang kasiguruhan ang relasyon. Kadalasan ay hindi nagtatagal subalit hindi ba’t nakagagaan din ng loob na minsan sa iyong buhay ay naranasan mong makibahagi sa misteryong bumabalot dito? Hindi ba’t isang pagtatagumpay ding maituturing kung sa kabila ng kawalang pag- asa sa pinasok na relasyon ay nakaya mong buuing muli at pinaglabanan ang karaniwang unos na sumisira? Iyon naman talaga ang tunay na kahulugan ng pag- ibig, ang patuloy mong pakikibaka sa kawalang pag- asa, ang patuloy na pagbuo ng pangarap sa kabila ng paghihirap ng kalooban. Kung hindi ka minahal ng taong mahal mo, ipakita at ipadamang mahal mo siya at kung hiningi niyang iwan mo na siya ng tuluyan, gawin ang kanyang kahilingan at huwag magdamdam sapagkat hindi ikaw ang talunan kundi siya sapagkat nawalan siya ng taong tunay na nagmamahal sa kanya. Lagi mong tandaan na sa pagdaan ng panahon, maiisip ka rin niya. Babalik sa kanyang alaala ang mga nagawa mong kabutihan at hindi matatawarang pagmamahal. Sa ganoong paraan, kahit papaano ay naging bahagi ka rin ng buhay niya. Hindi man kayo ang nagkatuluyan at hindi man kayo nagkasama ng habambuhay, may naiwan ka naman sa kanyang kuwento na binubuo ng pag- ibig na totoo at dalisay.

Sa kabilang dako, tandaan mo na hindi din kailanman kaibig- ibig ang pag- ibig kung ang taong inibig mo ay hindi ka ibig. Kung ganoon, ano ba ang kaibig- ibig sa pag- ibig kung hindi mo rin lang naman naranasang inibig? Huwag panghinaan ng loob, may isang taong nakalaan sa iyo. Maaring hindi mo lang siya pansin o maaring hindi mo narinig ang musika ng iyong puso sa tuwing nakikita mo siya.

Tandaan na walang hihigit pa sa ligayang hatid ng tunay na pagmamahal. Walang makakahadlang sa pusong may iisang adhikain. Hinahamak ng tunay na pag- ibig ang lahat masunod lamang ito. Muling pagmasdan ang iyong minamahal at lagi mong sabihing siya ang liwanag sa bawat dumidilim mong araw. Siya ang kaisa- isa mong ngiti sa walang tigil na daloy ng iyong luha. Ipagdiwang ang araw na kayo’y magkasama at punuin ng pagmamahal at paglalambing hindi ng pag- aaway at pananakit ng kalooban. Iwasang sindihan ang mitsa ng hindi pagkakaunawaan. Isantabi ang walang patumanggang pagtatalo sa walang katuturang bagay. Walang masama kung magtanong sa kung alin ba ang mali, lamang, maging mahinahon at piliin ang akmang paraang ng pagtatanong.

Higit sa lahat, maging totoo ka sa iyong mga sinasabi at ikinikilos. Hayaang ilabas ng bunganga ang totoong laman ng puso at isipan. Huwag na huwag magbalatkayo sa taong mahal mo. Ipakita ang totoong ikaw at hindi ang iyong maskara sapagkat mahirap mabuhay sa habampanahon sa likod ng multong hinabi mo. Hindi ba’t kayhapdi ding malaman na sa bandang huli, ang minahal pala ng taong inibig mo ay hindi ikaw kundi ang maskarang ginamit mo? Kung gaoon ang mangyari, alin ang sisisihin mo, siya ba o ikaw na pinagmulan ng multong kapwa niyo kinatatakutan ngayon?

Ang pag- ibig ay hindi minamadali at lalong hindi din ito pinapatagal. Pagtimbang- timbangin ang lahat ng anggulo at piliin ang tamang panahon kung kailan ito ay maari ng pagdesisyunan subalit huwag patagalin ng husto dahil ang puso ay marunong ding mainip. Ang buhay ay sandali lamang at hindi ito pinupuno ng paghihintay. Kung nariyan na ang pag- ibig at sakop na nito ang puso at isipan, bigyan ito ng laya at namnamin ang hatid nitong kaibahan habang nabubuhay pa. Ang pag- ibig ay hindi sinusupil kundi binibigyang laya, hindi ipinapabukas kung talagang naroon na, hindi lang sinasabi kundi ginagawa, hindi sinosolo kundi ipinamamahagi sa iba, hindi ipinagdadamot kung iyon ay nararamdaman na, hindi nananakit sa kapwa, hindi ginagamit sa paghihiganti sa nagkasala, hindi makasarili at may halong pag- iimbot sa kapwa at hindi lang binabasa kundi nararamdaman pa. Kaya nga hindi ko na pinahaba pa itong katha ko upang magkaroon ka ng panahong pakinggan ang bulong ng iyong damdamin.

Pakinggan mo ang musika ng iyong puso at iyon ang tunay na pag- ibig para sa iyo… ano nga ba talaga ang pag- ibig?

KINANG NG SALAPI!





Pasensiya na po hindi ako nakapost kahapon at ngayon dahil sa aking kaarawan. Bukas po, I could not promise but I will try my Best!

Meanwhile, kung gusto ninyo magbasa muna ng Dula-dulaan, basahin ninyo muna ito habang hinihintay ang kasunod ng Open Relationship. Wala pa kasing akong oras na isulat ang sumunod na kabanata!

ALIW SA KINANG NG SALAPI

Mga pangunahing tauhan:
LUNINGNING  :      Maganda, seksi, mahirap at bagong tindera. Inosente at gustong kumita ng marangal para sa pamilya.
DINDO               :      Magbabalot at bihasa na sa buhay kalye malapit sa bahay aliwan. May lihim na pinagkakakitahan.
ALING NINI      :      Bugaw. Tindera malapit sa mga bahay aliwan. Dating prostitute din.

Iba pang mga tauhan:
Milagring             : Anak-anakan ni Aling Nini na pick-up girl. Nagbabantay sa mga paninda.
Puta 1                   : Malandi at nagtratrabaho bilang prostitute sa mga bahay aliwan.
Puta 2                   : Napilitang nagtrabaho sa bahay aliwan dahil sa kahirapan. May pangarap na umahon sa trabahong iyon.
Babae                   : Mataba na inagawan ng asawa ni Puta 1
Lalaki                   : Parokyano ni Puta 1
Macho                  : Nagtratrabaho bilang dancer at kolboy sa isang gay bar.
Bakla 1 at Bakla 2: Mga parokyano sa Adonis’ gay bar.
Pulis 1 at Pulis 2: Mga humuli kina Puta 1, Puta 2, Macho at iba pang mga nagtatrabaho sa bahay aliwan
Congressman   : Isang pulitiko at mayamang parokyano. Hindi halatang bakla.       
Mga ibang puta at macho dancers, mga lasing, matrona at ilang mga bakla na dadaan-daan lang sa entablado o magsisilbing bibili sa mga paninda ng mga pangunahing tauhan.
TAGPUAN: Sa isang kanto malapit sa mga gay bar at night club kung saan may mga dumadaan na parokyano, bugaw at mga nagbebenta.

PANAHON: Sabado, alas onse ng gabi kung kailan tanging mga mahihilig sa ligaya at kumikita sa hatid ng dilim ang naiwan sa lansangan.

(Magsisimula ang pagtatanghal sa medyo may kalakasan na tugtog ng kantang “Manila.” Unti- unting magbubukas ang kurtina ng entablado. Hihina ang kantang Manila ngunit hindi pa ito tuluyang titigil. Isasaliw ito ng mga nagsisipagdaan na magsisipagganap maliban sa lalaking nagtitinda ng balot na nakasuot ng itim na hapit na sando at hapit na kupasing pantalon, isang nasa kuwarentahing pusturadang babae na nagtitinda ng palamig, kendi, tokneneng at barbeque na nakaupo sa maliit nitong mesa kasama ang babaeng seksi din ang damit. Sa may hindi kalayuan ay may isang nagtitinda din ng pop corn, kendi, mani at sigarilyo na isang magandang babae, mahaba ang buhok at balot na balot ngunit hapit sa magandang kurba ng katawan ang suot. Makikita din sa entablado ang isang street light na mahina ang liwanag na nasa gitna ng tatlong magkrukrus na tatlong daanan. Isa sa kanan (Magsisilbing pasukan ng mga magsisipagganap), sa kaliwa, magsisilbing labasan at isang patagilid sa gitna bilang pasukan at labasan ng mga magsisiganap na galing sa mga gay bars at night clubs. Sa gawing kanan ng patagilid na pasilyo ay ang umaandap na ibat-ibang mga kulay at may karatulang “Adonis’ Gay Bar” at sa  gawing kanan naman ay makikita ang karatula ng “Pink Ladies’ Club.” May mga ilang malalanding bakla, matitipunong mga lalaki at mga matrona ang papasok sa gay bar at ilang mga seksing babae at may mga edad na lalaki at ilang binatilyong lasing naman ang papasok sa pintuan ng night club. Magsisimula ang maingay na tugtog pandisco at tuluyang hindi na maririnig ang kantang “Manila”. Unti- unting hihina ang magulong tugtog. Lalakas ang ilaw sa entablado.)

Aling Nini : (Papaypayan ang paninda at parang takam na takam na pagmamasdan at amuy-amuyin ang tinda niyang tokneneng at barbeque. Aalukin ang dumadaang barako at maskulado.) Sir, bili na kayo ng tokneneng o kaya ng barbeque. May kendi din ako pampabango ng hininga (Hahalakhak). Hindi katulad ng mga binebenta nila diyan sa tabi, dapat yata sa sinehan siya pero iba ang napuwestuhan. (Titignan ng pataas-pababa ang nagbebentang dalaga sa gawing kaliwa niya.) Akala mo kung sinong Maria- Clara pero alam kong iba ang gustong ibenta. (Titingin sa gawi ng mga manonood, magpapaypay.) Sa panahon ngayon mahirap na talagang magtiwala kung sa hitsura din lang ang pagbabasehan. (Magpapaypay) Ang init ng panahon ngayon. E, paanong hindi iinit, mukhang pinalibutan ako ng mga nagbebenta ng… (patlang)… (Titingin sa lalaking nagbebenta ng balot sa gawing kanan niya)… hay naku… mga ipokrito na akala mo malinis ang pinagkakakitahan.
Dindo:       (Titingin sa matanda) Mawalang galang na Aling Nini ano, gabi- gabi ka na lang nagpaparinig e, bakit hindi mo kami diretsahin. Si Luningning, pangatlong gabi pa lang diyan na nagbebenta pero alam kong busog na ‘yan sa mga pagpaparinig ninyo. Ilang buwan na tayong magkasama dito hindi ka pa ba nasanay?
Aling Nini :     (Magpapaypay. Sasabayan ni Dindo gamit ang palad niya. Pati ang sasabihin ni Aling Nini ay kabisadong- kabisado din kaya magsasabay sila sa pagbibigkas.) Su, what? Fur yur infurmasyon, I em uld in dis pleys yit stil yang in luks and yu are new hir but biri uld in peys. I em rich but yur pur, su, hindi kita papatulan dahil kapag pumatol ako ng kagaya mo… (titignan si Dindo pataas-pababa) Ayaw ko yatang mahulog sa livil mo… (titigil dahil mabibigla sa eksaktong panggagaya sa kaniya ni Dindo)
Luningning: (Mapapatawa pero mabilis na takpan ang bunganga nang mapansin niyang nakatingin at palapit sa kaniya si Aling Nini)
Aling Nini: Su wat is lafabol? Ikaw ha, kung ang balak mo ay kumerengkeng kaya ka dito nagbenta, pwede umalis ka na dahil mahirap mahaluan ng kalandian ang negosyo. Kami dito ay nagbebenta ng maayos at malinis.   
Dindo:       (Lalapit sa dalawa bitbit ang binebentang balot) Maayos? Siguro… Malinis? Ewan ko. (Tatawa) Maayos niyang ginagawa ang pagbebenta pero kung malinis ang ginagawa iyon ang hindi ko alam.
Aling Nini: Hoy Dindo, pwede ba? Mind yur un bisnis? Bakit ikaw, malinis ba pinagkakakitahan mo?
Dindo:       (Hindi sasagot. Mapapayuko at kunyari ay aayusin ang mga panindang balot.)
Luningning: Aling Nini, huwag po kayong mag-alala, malinis po at marangal ang inisip kong pagkakakitahan. Katulad niyo rin ho ko, kumakayod para sa pamilya. Lahat ginagawa para mabuhay. Hindi man kami yayaman, sapat na sa akin na kakain kami kahit dalawang beses lang maghapon.
Aling Nini:      Asus! Nagdrama ang tindera. (Mapapatigil, titignan ang relo sa kaniyang bisig.) Ay! alas onse na pala. Darating na ang aking mga amiga ko sa hanap-buhay. (Magmamadaling puntahan ang puwesto pero biglang titigil at babalik kay Luningning) Dramahan mo mga paninda mo… ewan ko sa iyo, maganda ka naman pero di ko alam kung bakit ka nagtitiis na bantayan ang nakabuyangyang na mani mo diyan sa tabi. (Hahagalpak ng tawa at puntahan ang kaniyang mga paninda ngunit hindi mapakali dahil sisilip-silip sa kanto papasok sa mga bars at clubs)
Dindo:       Pagpasensiyahan mo na si Aling Nini, ganyan na talaga ang bunganga niyan. Puta kasi ‘yan dati at nang nain-love sa mga customers niya ay nagpabuntis ng nagpabuntis at umasang may hahango sa kanya na mayamang negosyante kaso, hanggang ngayon, tumanda na siyang bigo.
Luningning: Ikaw, kalalaki mong tao, napakatsismoso mo. ‘Yan na yata ang uso ngayon, mas marami nang nakikita ngayon sa mga lansangan na lalaking nagtsitsismisan o mga lalaking walang ginagawa kundi magpalaki ng tiyan. Katulad ni tatay, nasa bahay lang siya, naglalasing. Sinasaktan si nanay kung walang nadelehensiya na ibili ng alak niya. Magutom na kaming magkakapatid, huwag lang siyang mawalan ng pantoma. Noong isang Linggo lang, hindi na nakayanan ni nanay ang pananakit ni tatay kaya iniwan niya kami. Napilitan akong tumigil muna sa pag-aaral para matustusan ang mga pangangailangan sa bahay at sa pag-aaral ng aking mga kapatid. Kung hindi ako ang kikilos, mamatay kami sa gutom na magkakapatid. Tumakas na nga lang ang nanay hindi pa kami isinama. Iniwan pa kami sa aming ama na wala nang ginawa sa maghapon kundi maglasing kasama ng ibang mga tambay sa amin. Imbes na siya ang magbanat ng buto para sa aming mga magkakapatid e, siya pa ang dagdag pasanin ko.  Ewan ko ba kung anong utak meron ang mga lalaki.
Dindo:       Huwag mo naman kaming lahatin. Tignan mo ako, kumakayod din naman ako a. Mahirap lang talaga ang buhay nating mga Pilipino at walang mapasukan na trabaho kaya tingin mo, yung mga lalaking tambay na nakikita mo ay pawang mga tamad.
Luningning: Hindi ko naman sinasabing mga tamad sila e. (Hahaluin ang panindang mani at pipilin ang mga bawang para ilagay sa gitna) Siguro mga iresponsable lang o kaya ay mga makasarili. Tulad ng mga ‘yan, (Titignan at ingunguso ang mga lasing na kalalakihang dumadaan) imbes sana na ibigay sa kanilang mga asawa o anak na pangkain o pang-aral ang mga pinanlalasing o ibinabayad sa mga babae ay sa sikmura at libog lang napupunta. Kaya nga hindi mapigil ang pagdami ng mga ganyan (ingunguso ang mga nagsisipagtawanan na puta na lalapit kay Aling Nini.) kasi dahil sa kagagawan ng mga lalaking hindi marunong bumuhay sa sariling pamilya.
Dindo:       Sigurado ka bang pamilyado o may mga asawa ang mga lalaking iyan? Saka kasalanan ba naming mga lalaki kung marami ang mga nagkakaganyan? (Ingunguso ang mga putang kausap ni Aling Nini)
Luningning: Dindo naman, ke pamilyado o binata ang mga iyan, siguro naman may mga ina sila o mga kapatid na pagbibigyan ng sinasayang nilang pera. Marami ang mga nagkakaganyan (Ingunguso uli ang mga nagtatawanang mga puta) dahil marami ang mga irresponsible na mga haligi ng tahanan. Sa tingin mo ba magpuputa sila kung may sapat silang makain o maibigay ng kanilang mga ama o mga kapatid ang pangangailangan nila?
Dindo:       Bakit ikaw, hindi ka naman naging katulad nila. Marangal naman ang pinagkakakitahan mo, hindi ba? Siguro nasa tao na rin iyan. Gusto nila ng mabilisan na pagkakakitahan.
Aling Nini: (Lalapit kina Dindo kasama ng dalawang puta) Hoy, bibili daw sila ng yosi mo. Hayan, binigyan na kita ng mga suki. Baka sabihin mo kasi ganoon ako kasama.
Puta 1:       Bigyan mo nga ako ng isang stick ng yosi miss, saka pasindi na rin.
Luningning: (Iaabot ang isang stick na sigarilyo) Heto po o.
Puta 1:       (Imbes na abutin ang sigarilyo ay binuka nito ang bunganga, nilabas ang dila at tumingin ng nakakaakit kay Dindo) Iabot mo kay pogi at gusto ko siya ang magsusubo sa akin at magsisindi na rin. (Tatawa ng malandi at hahaplusin ang dibdib ni Dindo)
Dindo:       (Kukunin ang yosi sa kamay ni Luningning. Magkakatinginan ng matagal ang dalawa.  Iaabot ang yosi kay Puta 1) Dami namang arte nito.
Puta 1:       Ano sabi mo? Hoy magbabalot huwag kang bastos ha. Nasa kanan mo ako kaya wala kang karapatang sabihan ako ng ganyan dahil sinusunod ko ang kasabihan “da kustumir is always right.” O, ano na… asan na sigarilyo ko? (Ibubuka uli ang bunganga at ipipikit ang mata.)
Dindo:       (Ilalagay niya ang sigarilyo sa labi nito.) Bakit ba ako pinagdidiskitahan mo ha?
Puta 1:       (Tatanggalin ang sigarilyo na isinubo sa kaniya ni Dindo.) Pinagdidiskitahan? Putcha! Wala na nga talagang naiwan na gentilmin sa mundo. Siyempre, babae ako, pokpok man, kailangan parin ng paninilbi ng lalaki di va nga mga sis? Sus, if I know, my nakatago kang pagnanasa sa akin. (Tatawa) Hindi na uso ang torpe ngayon. Kung katulad mo din lang ang parokyano ko, sus, kahit walang lapad basta may sarap, okey na. (Isusubo muli ang sigarilyo at isesenyas kay Dindo na sindihan iyon)
Dindo:       Tanungin mo kaya muna ang sarili mo kung kagalang-galang ka bago mo isipin kung may natitira pa ngang gentleman sa mundo. Saka kung katulad mo din lang ang magpapatira sa akin ng libre, pasensiya ka na pero salamat na lang. Ayusin mo pagpapasindi ng sigarilyo dahil baka basurahan ang tingin ko sa bunganga mo.

(Matatawa ang lahat. Maiinis ang Puta 1 at aagawin ang lighter sa kamay ni Dindo at siya na mismo magsisindi sa sigarilyo niya.)

Puta 2:       (Tititigan niya si Luningning) Ay, maganda ka neng, bakit ka nagtitiyaga sa pagbebenta ng pekeng mani kung may sariwa at mas may mahal ka namang mani na puwedeng ibandera. (Tatawa ng malandi) Kung ako sa iyo, ibigay ko lang ang celphone number ko kay Aling Nini at kikita na ako. Konting ligo, konting pabango, konting pampaganda, libo naman ang halaga ng papasok sa bulsa mo.
Puta 1:       Sa ganda mong iyan, siguradong hindi ka mababakante. (Lalakad paikot para tingnan ang kabuuan ni Luningning. Tatango-tango habang pinadadaan niya ang malanding kamay sa beywang ni Luningning.) Ilang taon ka na nga ba? (Bubugahan ng usok ang mukha ni Luningning.)
Luningning: Disi-otso po.
Puta 2:       Pangalan?
Luningning: Ano ho?
Puta 2:       Aysus, yun ang magiging problema sister, may pagkabingi kaya siguradong lolokohin siya ng mga parokyano sa bayad. I mean, your name… what is your name?
Luningning: Luningning po.
Puta 1:       Ay ‘ambantot naman niyang pangalan mo neng. Sandali, bakit hindi tayo mag-isip ng magandang pangalan. Sigurado kasing itong trabaho ding ito ang papasukin mo kapag laging lalangawin ang pekeng mani na tinitinda mo ngayon. Sandali ha, mag-iisip ako.
Aling Nini:      Aysus! Nag-isip daw ang walang utak oh! (Magtatawanan sila ng Puta 2) Ang tanungin mo ay kung may karanasan na siya at kung magkano ang gusto niyang presyo hindi yung walang kuwentang pangalan. Saka mo na iyan isipin kapag nakumbinsi mo na at saka na din pag-uusapan ang pirsint na mapunta sa akin.
Puta 1:       (Titili ng malakas na akala mo nanalo sa Bingo) Ayyyy! Precious!!! Tama Precious ang ipapangalan namin sa’yo. Luningning, tanggalin mo ang LU, magiging Ningning na lang at ang ningning ay kinang tapos ang karaniwang kumikinang ay Diamond at ang Diamond ay mahal at bihirang mahanap na ngayon kaya Precious ka. Ay! Antalino ko talaga. Di va? Vonggeysyus ang name niya mga sis?
Puta 2:       O, sige na Precious na kung Precious, matalino ka na nung hindi pa uso ang katulad natin. (tatawa) Pero seryosong usapan Precious, maganda ka, seksi saka batam-bata ka pa. Hindi mo kailangan magpuyat at magpagutom dito dahil sa kikitain mong barya-barya lang. Baka may makakita pa sa iyong mga tiga- Showbiz, pihadong mas beauty ka naman sa mga mga lumalabas sa seksing pelikula ngayon.
Dindo:       Bakit ba hindi na lang kayo manahimik at makuntento sa pinagkakakitahan ninyo? Bakit kailangan ninyong mangumbinsi ng ibang nananahimik? Kailangan ba talagang manghila kayo sa putikang kinasadlakan ninyo?
Aling Nini: Aba malalim. Kamag-anak mo ba si Balagtas Mr. Balot (Tatawa ng nakakainsulto) Tongta! Makuntento? Para sabihin ko sa iyo, mas madami, mas masaya… mas madaming kita. Mangumbinsi? E, Mr. Balot, sino ba ang kinukumbinsi, di ba yung mga nananahimik, yung mga baguhan, yung mga hindi pa alam kung paano yumaman?
Dindo:       Yumaman o lalo lang mapasama sa makasarili ninyong interes?
Aling Nini: Ay, bastos nito, hindi pa ako tapos, okay? (Papaypay) Saka ano na ba yung sinabi mo kanina? (Sandaling mag-iisip) ah… okay… sabi mo, kung bakit namin kailangang manghila sa putikan? Hoy, Mr. Balot, baka nakakalimutan mong mas masahol pa ang kinasadlakan ng ibang pulitiko sa amin. Kami, nagpupuyat sa pagbebenta kapalit ng barya-baryang ibigay sa amin. At sila, nakaupo sa kanilang opisina, nagbabakasyon kung saan- saan at patuloy na nilulustay ang pera natin sa pansarili nilang kabutihan.
Puta 2:       Hindi mo alam kung anong hirap ang pinagdadaanan namin… (Mapapatigil. Titignan ang kausap.) Ano nga ba pangalan mo?
Dindo :      Dindo. Bakit ?
Puta 2:       Bakit? Siyempre, para may itawag ako sa iyo. Hindi naman siguro tamang tawagin kita ng Hoy lang di ba? Kung sa akala mo masaya kami sa trabaho namin at ikinararangal namin ito, nagkakamali ka. Siguro akalain ng iba na gasgas na ang mga ginagamit naming mga linya na dahil sa kahirapan kaya kami nandito ngunit iyon naman talaga ang totoo. Iba- iba man kami ng kuwento tungkol sa dinadanas ng pamilyang pinagmulan, iisa parin ang tinutumbok namin, ang pagdarahop. Nag-aaral ako sa araw para sa pangarap kong umangat balang araw ngunit minsan pinanghihinaan ako ng loob dahil sa mga nakikita kong mga nakatapos ngunit ilang taon nang nagiging tambay. Ilan ay nagkakatulong na lang sa ibang bansa. Sa alam mo ba, madali ang magpagamit sa kung sinu-sinong lalaki? Kung may pera lang ako o ang pamilya ko, hindi ko papasukin ang ganitong pagkakakitahan. Ako lang kasi bumubuhay sa pamilya ko.
Dindo:       Bumubuhay ka ng pamilya mo pero winawasak mo naman ang pamilya ng ibang tao.
Puta 1:       Puwede ba, itigil na natin ang kadramahang ito? Maiwan ko muna kayo ha? Dumating na siguro ngayon ang boyfriend ko…(Tatawa)
Aling Nini: Boyfriend? May sumeryoso na sa iyo?
Puta 1:       Etching lang yun Lola, ano ka va! Hindi ka pa ba sanay sa akin. Hindi na ako muli pang magpabuntis ng tiyan. Magpabuntis siguro ng bulsa ang talent ko na ngayon. (Tatawa) O, ano sis, (Paalam niya kay Puta 2) Maiwan na muna kita dito ha ? Alam ko kasi ‘andun na yung masugid kong customer. Malaki pa naman mamigay yun. Huthuthutan ko muna ng huthutan bago ako patira para mas marami maipon di va ? Sige babush muna.
Puta 2:       Okay pagbutihan mo.
Luningning:Miss bayad ng yosi mo?
Puta 1:       Ayy! Siya, siya…(Dudukot sa pagitan ng kaniyang suso ngunit matitigilan saka titingin kay Puta 2) siya na… di va sis, ikaw na lang muna magbayad. Nakalimutan ko sa shoulder bag ko yung barya ko e.
Puta 2:       Okay… sanay na ako diyan.

(Maririnig ang malakas na ringing tone ng celphone. Sasabay na dudukot sina Dindo, Aling Nini at Puta 2 ng kanilang mga celphone)

Puta 2:       Ano ba yan mader! Para namang bumbero ang lakas ng tunog ng celphone mo. Super naman ‘yan.
Aling Nini: Sandali ha. Walang maingay. Tauhan ito ni Mayor, tumatawag. Siguro nangangailangan na naman ang mayor ng sariwa. (Tatawa ng malakas…titingin kay Luningning pataas-pababa) Hmmn, walang maingay, okay? (Pipindutin ang celphone. Aabante palapit sa mga manonood.) Hello? Oh, napatawag kayo, ano hong atin? (Sandaling katahimikan… tatawa. Magpapapaypay.) Sabihin mo kay mayor, puwede naman itong anak ko kung ayaw na niya sa dalawang alaga ko, siguro naman gusto pa niya sa anak ko. Alam mo naman, resirb lang siya pur impurtant pirsun like him. (Tatawa… sandaling katahimikan. Magugulat ang ekspresiyon ng mukha) Sinong nagsabi na hindi ko siya tunay na anak? (Sandaling katahimikan…kunyari magugulat) Ano? Ang anak ko mismo ang nagsabi niyan? (Tatakpan ang dulo ng celphone na parang ayaw iparinig ang sasabihin sa kausap sa telepono. Titingin siya sa dalagitang nakaupo sa puwesto niya na naninigarilyo) Putcha! Malditang babae iyan. Inalaagaan ko, pinakain, pinalaki at pinaganda tapos hindi pa marunong sumakay sa diskarte ko. Makakatikim sa akin iyan mamaya. (Tatanggalin ang pagkahawak ang pagtakip sa celphone) Su? Bakit, kung hindi ko siya anak, may problema ba iyon? Kung magaling naman siya at malinis, siguro naman hindi na importante kung kanino siya magulang galing di ba? (Sandaling tatahimik… magugulat) Ano? Punyetang babae talaga iyan… ibig mong sabihin napakaagresibo at siya pa ang nagtrabaho kay Mayor? Oww, shit! Sinabihan ko naman na maghard to get siya, bakit hindi niya ginawa? (Tahimik) Ano? Siya pa ang namuwersa kay Mayor? Tongta talaga ng malanding babae na iyon. Nakakagigil. Hindi bale pagsasabihan ko na lang uli. (Sandaling tahimik… tatango-tango at mabilis ang gagawing pagpapaypay) Ganun? Alam ko. Ang gusto ni Mayor ay yung magdradrama ang babae na kunyari ay ayaw niya, napipilitan o kaya ay magkukunyarihan na pagsasamantalahan siya…. (Sandaling tatahimik… tatango-tango) Pasensiya na ho kayo sa inasal niya, pagsasabihan ko na lang uli. (Tahimik) Ano? Ayaw na sa kaniya? E, pano ngayon iyan? (Tahimik… tatango-tango) Magkano daw? (Manlalaki ang mga mata… lilingon kay Luningning… haharap sa mga manonood) 10,000 pesos!!! Nagbibiro ba si Mayor? (Magpapaypay habang kunyari ay nakikinig ng husto sa kausap sa telepeno) Ganun ba? Okay, nakuha ko na ibig mong sabihin. Magbibigay siya ng ganoong halaga kapag ang babaeng makuha ko ay magaling umakting na pipilitin o parang ginagahasa ang dating… iba talaga ang trip ni Mayor ano ho? Sige ho. (patlang) Makakaasa kayo. (patlang) Mga lagpas alas dose ho.
Puta 1:       (Sisigaw galing sa mga bars hinahabol ng babae at may lalaki din na sumusunod) Help!!! Aling Nini!!! Tulungan niyo ako!!! Sis!!! (Tatakbo iikutan si Aling Nini. Mawawalan ng balanse si Aling Nini at mapapaupo. Mag-iingay dahil sa nabitiwan ang hawak ng celphone)
Babae:       Puta ka! Halang talaga ang kaluluwa mo! Pati may asawang tao pinapatulan mo! Makatitikim ka sa akin punyeta ka! (Hahabulin si Puta 1. Galit na galit)
Puta 2:       Huminahon po kayo! Mag- usap kayo ng matino. Hindi ninyo dapat idinadaan sa pagbubunganga ang pagseselos.
Babae:       Paanong hihinahon ako kung kinukuha ng babaeng ito ang dapat sa amin ng mga anak ko. Puta ka, halos hindi na makapasok ang mga anak namin sa klase nila dahil walang mabaon. Ni walang masarap na pagkain ang naiihain ko mula ng nagloloko ang asawa ko sa iyo. Wala kang konsensiya.
Puta 1 :      Misis, hindi ko ho sinabihan ang asawa niyo na pumunta sa akin. Customer namin siya kaya natural lang naman siguro na asikasuhin ko. Naghahanap siya ng ligayang hindi mo maibigay at dahil nakahanda akong magbigay ng ligayang hinahanap niya, siguro naman alam mo kung ano ang kapalit no’n.
Lalaki:       Umuwi na tayo, nakakahiya na sa mga taong dumadaan. Pinagtitinginan na tayo.
Babae:       Punyeta ka! (Sasampalin ang asawa pero maiilagan ng lalaki kaya dadapo iyon kay Aling Nini na katatayo pa lamang mula sa pagkakatumba kanina)
Aling Nini: (Magagalit) Punyeta, bakit ba pati ako e sinasaktan ninyo! Umuwi kayo at doon kayo sa bahay niyo mag-aaway- away.
Lalaki:       (Hindi papanssinin ang sinasabi ni Aling Nini) Nakakahiya na talaga ang ginagawa mo?
Babae:       Nakakahiya? Meron ka ba no’n ha? Tiniis ko lahat ng hirap sa piling mo. Ni kahit walang natupad sa mga pangako mo sa akin noong hindi pa tayo mag-asawa ay kinalimutan ko. Hindi mo alam kung gaano ko ibinuhos ang buong panahon ko sa inyo ng mga bata. Ni halos wala na akong oras pa sa sarili ko dahil lahat ay para sa inyo pero yang ganyang ipagpalit mo ako sa isang pokpok lang ang hindi ko talaga matatanggap. (Lalapitan si Puta 1, titignan pataas-pababa) Sa katulad pa ng putik na ‘to?
Puta 1 :      Ayy, antaray ng lola, putik ang tawag sa akin, (Lalapit sa mga manonood) Hindi kaya niya naisip na ipinagpalit siya ng asawa niya dahil sa hitsura niya ngayon? Sabihin nang putik ako, e, siya kaya, baboy! (Tatawa at lilingon siya sa babae) Para siyang inahing baboy. (Lalapit siya kay Puta 2) Kung pagtabihin mo kami ng asawa niya sis, para siyang katulong ko lang, hindi ba? Makikita naman siguro sa unang tingin pa lang kung sino ang mas masarap sa amin kung papipiliin natin ang asawa niya. (Haharap siya kay Babae) Ang mali mo lang misis, hindi porke asawa mo na si lalaki ay puwede mo na ring pabayaan ang sarili mo. Hindi din rason na porke may anak ka na ay magpakalosyang ka na. Hindi titingin sa akin ang asawa mo kung lagi kang seksi at mabango. Hindi magbabayad ng mahal at magtapon sa akin ng pera ang asawa mo kung naibibigay mo sa kaniya ang hinahanap niyang ligaya. Babae, hindi mo ba naisip na ako ang pumupuno sa pagkukulang mo? Ikaw din ang sumisira sa pamilya mo.
Babae:       Tumahimik ka! Anong alam mo sa pagbuo ng pamilya? Anong alam mo sa panganganak at pag- aalaga sa mga ito? Wala kang alam sa pagbuo ng pamilya dahil ang tanging alam mo lang ay kumita sa pamamagitan ng pagwasak ng isang buong pamilya.
Lalaki :      Tumigil ka na. Uwi na tayo. Hayaan mo, magbabago na ako. Hindi na ako babalik pa dito.
Babae:       Ang bilis mo namang magbago. Sinira mo na ang tiwala ko. Sa alam mo ba e, ganoon lang kadali ang lahat. Maaring hindi mo na siya babalikan ngunit maaring maghahanap ka parin ng ibang kandungan. Hindi ka na naawa sa pamilya mo. Kung inanakan mo lang ako sana man lang makonsensiya ka sa mga anak mo na naghihirap. Kung hindi mo kayang maging ama, sana hindi ka na bumuo pa ng kasama nating naghihirap ngayon.
Lalaki  :     Tumigil ka na ! (Sisigaw) Putang-ina kanina pa ako napipikon sa iyo a! Kanina ko pa gustong punitin yang bunganga mo. Gusto mo bang hilain kita pauwi ha? Sino bang kumikita sa atin ha? Sino ba ang bumubuhay sa inyo ?
Aling Nini : Ayy, nagalit ang mama. (Magpapaypay) Away na ‘to. Para na tayong nanonood ng dramang pelikula nina Shawie at Boyet. (Tatawa pero mapapatigil siya ng pagsalitahan siya ng Lalaki)
Lalaki        Hoy tanda! Tumigil ka diyan kung ayaw mong sa’yo mabunton ang galit ko.
Luningning: Mawalang galang na po pero siguro mas mainam na pag-usapan ho ninyo kung ano ang problema ninyo sa inyong tahanan at hindi ho dito sa lansangan. Napakaraming tao ho ritong dumadaan. Siguro naman po ayaw ninyong ipangalandakan sa buong mundo ang baho ng bawat isa sa inyo lalo na ho, sa mata ng Diyos at tao, iisa parin kayo. Ang kahihiyan ng isa ay kahihiyan ninyong dalawa at ng binuo ninyong pamilya.
Babae :      Naku, nasa Pilipinas nga tayo, mahilig mangialam sa buhay ng iba. E ano naman sa iyo Miss kung binibigyan ko ng kahihiyan ang pamilya namin ha? Saka isa pa, wala naman ng masisira pa sa pamilya namin dahil sinira na ng putang ito. At ikaw ha (duduruin ang asawa) ang kapal naman ng mukha mong sabihin na ikaw ang bumubuhay sa amin? Kailan ka pa ba huling nagbigay ng sahod mo sa akin? Kailan pa yung huling binuhay mo kami ng iyong limang anak? Lubog na ako sa pagkakautang, sawa na rin ang mga magulang ko sa pamimigay ng tulong. Ang kapal mo talaga. (Sasampalin ang asawa pero mabilis ang lalaking saluhin iyon.)
Lalaki :      Kung hindi ka mapakiusapan ng matino babae ka, siguro mapakiusapan ka sa panggugulpi mamaya. (Hahawakan ang kanang kamay ng babae patalikod at hihilahin ang buhok mula sa likod saka niya ito itutulak palabas.)
Babae :      Putang ina mo, ang kapal mo para saktan ako. Ikaw na nga itong nahuli na gumagawa nga katarantaduhan ikaw pa ang may ganang manakit? Napakawalang hiya mo talaga! Ikaw naman Puta (Ituturo si Puta 1 nang madaanan nila ito sa harap gamit ang kaliwang kamay, sisipain pero hindi aabot ang paa. Hahablutin ang buhok ni Puta 1.) Hindi kita iiwan na wala kang natitikman sa akin punyeta ka.

(Sasabunutan ng babae ang Puta 1 gamit ang isang kamay nito. Hihingi ng tulong si Puta 1. Magtutulong-tulong sina Puta 2, Dindo at Luningning sa pagtanggal sa kamay ng Babae 1. Mananatili si Aling Nini sa pagkakatayo. Nagpapaypay na para bang sarap na sarap sa pinapanood. Lalapit din si Milaring at mamamaywang habang patuloy ang pagbuga nito ng usok ng sigarilyo. Mabibitiwan ng babae ang buhok ni Puta 1. Ilalayo siya ng asawa nito ngunit tuluy-tuloy parin ang pagbubunganga niya.)
Babae:       Pasalamat ka at inawat ako, putik. Wala talaga kayong magawang maganda sa lipunan. Dahil lang sa kagustuhan ninyong magkapera ay maraming pamilya ang patuloy ninyong sinisira. Magtutuos din tayo! Hangga’t hindi mo tinitigilan ang asawa ko ay patuloy kitang guguluhin. (Pahina ng pahina hanggang tuluyang maialis sa entablado)
  Puta 1:     (Sisigaw) Baboy! Ikulong mo kasi ang asawa mo o bulagin para hindi makakita ng magandang katulad ko o kung hindi naman, magpapayat ka na dahil baka pagbalik mo dito, hindi ka na lang baboy kundi balyena ka na. (Tatawa siya at aayusin ang nagulong buhok) Baboy na yun, sinira niya ang ganda ko.
Aling Nini: O hayan, baboy nga siya, ginawa namang aswang ang hitsura mo (Tatawa) Bagay sa iyo ang bagong ayos ng buhok mo. Para ka na talagang manananggal. Manananggal ng lakas at manananggal ng pera sa bulsa ng mga lalaki. (Tatawa at magpapaypay) Hay, buhay talaga. At ikaw ha, Milagring? (Sa anak-anakan niya) Anong ginagawa mo dito? Napakatsismosa mo talaga, ano? Usisera! May sinabi sa akin ang tauhan ni Meyor kaya bumalik ka dun at magtutuos tayo. Oh, kayong dalawa, hindi ba kayo babalik sa loob para mag-ayos?
Puta 2:       Wala ho bang nagpabooking sa inyo ngayon Mama?
Aling Nini: Ayaw na sa inyo ni Meyor. Sawa na. Gusto niya ng bago. Yung mga dating tumatawag, hindi din nagpaparamdam. Itetex ko na lang kayo kung may booking kayo ngayong gabi. Sige na at nilalangaw na yata ang mga paninda ko dun. Kung wala akong kikitahin sa inyong tatlo ngayong gabi, kailangan kong gumawa ng ibang paraan. (Titignan si Luningning na abala sa pag-aayos ng paninda)

(May magsisitsit kay Dindo, isang lalaking malaki ang katawan, maskulado, maputi at guwapo.)

Luningning: Dindo, may tumatawag sa iyo dun o, bibili yata ng balot mo. Puntahan mo na muna.

(Aalis si Dindo, lilingon sa mga iiwan. Maglalakad ang dalawang puta papunta sa gitna ng
entablado malapit sa daan papunta sa mga clubs. Hihina ang ilaw na naktutok sa iba pang mga magsisiganap. Ang spotlight ay nakatutok sa dalawang puta na nakasandig sa eskinita papasok sa mga clubs.)

Puta 2:       Kapag nga naman datnan ka ng malas ano? (Maglalabas at magsisindi ng sigarilyo. Magbubuga ng usok) Nahuthutan mo ba? (Iaalok ang kaha ng sigarilyo kay Puta 1 na may isang stick ng nakalabas.)
Puta 1 :      Hindi nga e. (Kukuha ng isang stick ng sigarilyo. Hihingin ang sigarilyo ni Puta 2 na nakasindi na.) Problema ko kung pa’no ko madadala ang nanay bukas sa hospital dahil siguradong kukulangin ang kikitahin ko ngayon. (Pagdudugtungin ang dulo ng sigarilyo niya at sigarilyo ni Puta 2 para masindihan niya ang kaniyang sigarilyo.)
Puta 2 :      (Kukunin ang sigarilyo niya kay Puta 1) Pareho lang tayo sis, problema ko rin pangmatrikula ng kapatid ko, kahapon pa siya humihingi ng pambayad. (Hihithit muli ng sigarilyo.) Mga barat na din kasi ang mga customer ngayon. Mahilig manghipo, mahilig magyaya lumabas pero pagdating sa tip at bayaran, ni halos wala ng maiabot at kung meron man, barya-barya na lang. Hirap na talaga ng buhay. Sa ibang bansa na lang kaya tayo magtratrabaho sis?
Puta 1:       Anong trabaho? Nagpapatawa ka yata?
Puta 2:       Balak ko sana mag DH na lang. Mahirap man, sigurado naman sa kita at mapapalayo ka pa sa sakit.
Puta 1:       Kung wala ka pang sakit. (Tatawa) O, baka naman gusto mo dun rumampa. Malaki nga ang kita, mapapalayo ka naman sa pamilya mo at hindi mo pa alam kung sino ang tutulong sa iyo dun kapag nagkaletse-letse ang buhay mo. Saka pa’no mo tatapusin ang sinimulan mo na pag-aaral?
Puta 2:       Iniisip ko nga, mga kapatid ko na lamang siguro ang patatapusin ko. Bahala na ang buhay sa akin. Kung hindi kasi tayo gagawa ng paraan para mapabago ang takbo ng buhay natin, matutulad lang tayo kay Mama Nini. Katawan niya ang binebenta noon. Nang wala ng bumibili sa katawan niya, katawan naman ng iba ang binebenta at pinagkakakitahan pero wala namang pag-usad ng buhay. Hanggang ngayon, sa edad niyang iyan, nasa bangketa parin siya. Kung puwede nga lang niya sigurong pagkakitahan ang katawan ay ibebenta parin niya ito.
Puta 1 :      Minsan naiisip ko rin iyan. Noon, nangangarap ako na maaring magkakatotoo din sa akin iyong mga napapanood ko na isang katulad natin na sineryoso ng isang mayaman at naging maayos ang naging takbo ng buhay. Kaso, ilang taon na ako sa trabahong ito, lahat sila, pare-pareho lang ang gusto, ang maikama ka, mabastos, mapagparausan at mapaglaruan.
Puta 2 :      Kahit hindi ko kayang maglandi dahil hindi naman ako likas na malandi ay kailangan kong gawin dahil kung hindi ako maglalandi ay wala akong kalulugaran sa mundong ginagalawan natin ngayon. Sa trabaho natin, binibili nila ang kagaslawan, kalandian at katawan natin kaya walang ibang paraan kundi sumunod sa agos ng trabaho natin.
Puta 1:       Di ba sabi ko sa iyo, huwag na natin pang pag-usapan ang buhay natin? Napapaiyak na naman ako niyan e. Nakokonsensiya din ako kanina dun sa babae pero san ko pa ilalagay ang konsensiya ko kung ang nakataya ay ang buhay naming pamilya at ang buhay ng nanay ko na matagal ko ng gustong maipagamot.
Puta 2:       May awa ang Diyos sis.
Puta 1:       Awa? Antagal ko ng hinihintay ang awa na iyon. Hanggang ngayon kahit siguro ibilad at ipagamit ko ng bente-kwatro oras ang katawan ko ay siguradong hindi nito kayang tugunan ang mga pinapangarap ko sa buhay. May sakit ang aking ina na sa tuwing umuuwi ako sa bahay ay tanging daing niya at ubo ang nadadatnan ko. Puro na lang pain reliever ang nabibili ko. Gusto ko siyang dalhin sa hospital pero kulang pa ang naiipon ko para dalhin siya do’n. Hanggang ngayon nga hindi ko pa alam ang sakit niya. Ang ama kong baldado, gamot na lang yata ang bumubuhay sa kaniya.
Puta 2:       Wala ka bang mga kapatid?
Puta 1:       Kapatid? Nang matutong maglandi ang panganay namin, hindi ko na muli pang nakita. Ang kapatid kong bunso at panganay na lalaki, dahil sa kahirapan ay natutong manghold-up sa mga pampaseherong jeep kaya kapwa sila ngayon nakakulong. (Mapapaluha) Ano ba itong pinag-uusapan natin? Ayaw kong mapag-usapan ang buhay ko dahil parang sumusuko na ako sa laban ng buhay kapag naiisip ko lahat ng ito.
Puta 2:       Huminahon ka nga. Pareho lang tayo ng pinagdadaanang buhay. Mabuti ka pa nga kahit papano, kapag umuuwi ka sa inyo may mga magulang kang nadadatnan. Ako mula pagkabata, ako na ang nagsisilbing nanay at tatay ng mga kapatid ko. Kung wala siguro ako, hindi ko na alam kung paano sila mabubuhay dahil lahat, sa akin iniaasa.
Puta 1:       Tama na nga ito. Huwag na natin pag-usapan ang buhay natin sis. (Pupunasan ang luha. Titignan ang relo niya. Magugulat) Uyy, putcha, malapit na ang show natin sis, bumalik na tayo do’n para makapag-ayos na.
Puta 2:  (Hihithit ng sigarilyo, magbubuga ng usok. Hihithit pa muli saka niya ihuhulog ang sigarilyo malapit sa kaniyang paa. Papatayin sa pamamagitan ng dulo ng sapatos.) Okay, tara na.

(Papasok sila sa eskinita papunta sa mga clubs. Ang nakatutok na ilaw kanina sa dalawang puta ay maitututok kay Dindo na nagtitinda ng balot.)

Dindo:       Paano pare, di mamaya na lang?
Macho:      Oo naman, may full show pa ako mamaya e. Lumabas lang ako para bumili ng pampalakas. Matumal ba ang benta, pare?
Dindo:       Oo nga e. Heto nga at maggigitnang gabi na, wala paring benta.
Macho:      Sabi ko naman kasi sa iyo, magfull-time ka na e, ayaw mo. Kaya ‘yan, mahihirapan ka nga na makahanap ng customer niyan.

(May mapapadaan at lalapit na dalawang bakla sa kanila.)

Bakla 1:     Hoy, bakla, sandali. Ang star of the show nandito pa. Mukhang nagpapalakas dahil bumibili ng balot. Lapitan natin. (Makikilig)
Bakla 2:     Hi! Macho, (Mapapalingon din kay Dindo, tatakpan ang bunganga) Machos pala. Mahihimatay na yata ako neng. Naku, grabe na ito, umuulan ng dalawang Adonis. Hindi ko alam kung saan ako pwedeng magbandera ng pera ko.
Bakla 1:     Gaga, kung mahihimatay ka e, pano mo matikman ‘yan. Umayos ka nga bakla. Nakakahiya ka. Hi mga macho! Ayyy! Pati din yata ako neng, mahihimatay. Hindi kasi mapigil ang keps ko sa pagpintig. Ayyy ! kung siguro kayo ang magiging mga papa ko, kahit mamulubi ako at dyumbagin ninyo araw-araw okay lang basta pakainin niyon din ako ng hotdog araw-araw. (Hahaplusin ang dibdib ni Macho at lalapitan din si Dindo para haplusin ang dibdib nito pero maagap si Dindo na hawakan iyon dahil masusulyapan niya si Luningning na nakatingin sa kanila.)
Dindo :    Umayos nga kayo. Kaya kayo hindi iginagalang dahil sa ginagawa ninyong ganyan. Humihingi kayo ng paggalang mula sa mga tao pero hindi naman ninyo iginagalang ang mga sarili ninyo sa pagkilos sa harap ng ibang tao.
Bakla 1:       Suplado neng, pero ang kyut talaga niya ohh! Kung katulad mo din lang, kahit hindi mo na ako igalang okay lang. Ansarap siguro ng binabastos kung katulad mo ang mambastos sa akin. Di va bakla?
Bakla 2 :      Hoy, macho, ang galing mong gumiling. Wala kasi akong datung dati pero talagang pinag-ipunan kita para matake out ka namin mamayang gabi. (Tatawa)
Macho:        Pwede huwag naman sa lansangan natin pag-usapan ang tungkol diyan. Magbastusan na tayo sa loob ng bar huwag lang naman dito sa daan?
Bakla 1:       Ayy, narinig mo ang sinabi niya bakla. Gusto niya ng walang bastusan. Di sana nagpari siya o kaya ay nagpulitiko na kahit may ginagawang hindi nararapat ay iginagalang parin kuno sila sa harapa-harapan pero pinag-uusapan ang baho pagtalikod. Pero pasensiya ka na kung sabihin kong sa trabaho na pinasok mo na gumigiling sa harapan namin, huwag ka ng magmalinis dahil matagal ka ng binabastos. Dala-dala mo iyon ke do’n ka pa sa loob ng bar o dito sa labas. Mabuti pa itong si magbabalot, puwede pa siguro naming kausapin ng makatao, hindi ba guwapo? Ano na nga ba uli ang pangalan mo?
Dindo:         Dindo. Bibili ka ba ng balot ko?
Bakla 1:       Dindo, magkano ba ang balot mo?
Macho:        Depende sa bibilhin mong balot niya. (Mapapangiti at magtitinginan sila ni Dindo.)
Bakla 1:       Ay ate, palaban ang iyong diyowa-diyowahan. Pero excuse me, ha, hindi ikaw ang kinakausap ko. Kay bakla ka makipag-usap dahil si Dindo ang gusto ko. (Tatawa) Bakit Dindo, may ibang balot ka pa bang itinitinda? Kung meron pa, kahit magkano yung ibang balot mo, pipilitin kong mabili. (Hahawakan ang dibdib ni Dindo. Tatanggalin niya iyon at magkakatinginan sila ni Luningning. Mapapansin iyon ni Bakla 1) Ayy, may eye contact na nangyayari. Lagi silang nagkakatinginan sa tuwing hinihipo ko siya. (Lalapitan niya si Luningning) May relasyon kayo? (Titignan niya si Luningning pataas-pababa) Sabagay, bagay naman kayo kasi maganda ka neng at guwapo naman siya. Ano mo ba siya at kanina ko pa kayo nahuhuling nagkakatitigan?
Luningning: (Matataranta) Ako? Kami? Wala. Magkaibigan… siguro?
Bakla 1:       Magkaibigan ba? Sigurado ka? Hindi ka ba masasaktan kung magiging kami ni Papa… ayy! Sana magkatotoo kahit ilang araw lang!
Luningning: Masasaktan? Bakit naman ako masasaktan?
Dindo:         Pwede ba huwag na nating isali pa sa kung anong kamunduhang alam niyo si Luningning? Nananahimik ang tao e, ginugulo niyo. Saka kung sakaling kami man, ano naman sa’yo?
Bakla 1:       Hmmm! Luningning pala ang pangalan niya. Okey, sabi mo e, di huwag isali. Kung sakaling kayo, e di, ipagpapaalam kita sa kaniya.
Dindo:         Ipapaalam mo ako sa kaniya? Gaano naman kasigurado na sasama ako sa iyo kunsakali?
Bakla 2:       Sus, huwag ka nga, tingnan mo nga ang porma at suot mo? Kung tanggalin mo nga sa kamay mo ang balot na paninda mo at tumabi ka kay Papa Macho, sinong magsasabi ng kaibahan ninyo? Pare-pareho naman kayong mga lalaki e, kunyari ayaw, kapag pakitahan ng pera, magmamalinis pero sa konting pilit lang sasama din kay bakla dahil walang datung na magamit na pandeyt niya kay nobya. Si nobya naman, sarap na sarap sa mga bigay ng boyfriend niya, hindi niya alam, binenta ng nobyo niya ang tamod niya may maipakain lang sa kaniya. Pati nga pamilyadong mga lalaki, napipilitan paring magtrabaho sa gay bar dahil walang ibang alam na gawin kundi ang magbenta lang ng katawan. Si asawang babae naman, okey lang sa kaniya dahil sa paniniwala niyang walang mawawala sa kaniyang asawa. Hindi kaya naisip ni misis na kung magkaroon ng sakit si mister ay siya din ang unang mahahawa? Sa kinang talaga ng datung, kahit sino nasisilaw.
Bakla 1:       Hayan na naman si Bakla, bumalik sa kaniyang pagiging matalinghaga.
Macho :       Pero nagtataka ako sa inyo. Alam niyo na ngang pineperahan lang kayo o pinagpaparausan lang, bakit sige parin kayo sa pagbuhos ng inyong pera?
Bakla 2 :      Sa anong paraan pa ba kami magkakaroon ng ligaya kung hindi kumita ng pera para ibili na kapalit ng ligaya na ibigay ni Papa. Hindi naman kami kayang paligayahin ng aming mga pera kundi kailangan naming pagalawin ang pera namin para mabigyan kami ng ligaya.
Bakla 1 :      Baklang ito talaga frustrated sa mga lalaki kaya tingin lahat sa mga lalaki, pera lang ang habol sa amin. Marami akong kilala at may nakarelasyon na din ako na hindi lang pera ang habol sa amin. Minahal kami at tinanggap na ganoon din kaso bihira lang talaga ang tumatagal ng hanggang sa pagtanda dahil sa nature ng mga lalaki na hindi nakukuntento sa isa lang. Ke bakla o straight na lalaki, nature na talaga sa atin ang pagiging polygamous pero tulad na naman ng sabi ko, hindi ko parin pwedeng lahatin iyan dahil there are also exceptions. Karamihan sa mga tumatagal na same sex relationship na may nabubuong pagmamahalana talaga ay ang bakla at silahis, silahis sa silahis at bihira ang bakla sa bakla at kung meron mang bakla sa straight o kaya ay silahis at straight, iyon ay dahil nakadepende kay bakla ang buhay ni lalaki na walang ibang alam gawin kundi magpasarap lang sa buhay.
Bakla 2:       Sa alam niyo ba masaya kami. Isipin niyo na lang, kung sakaling mahirap lang kami, walang trabaho, walang pinagkakakitahan o kaya walang ipon sa bangko at natural, wala ding maibigay na tulong sa pamilya o kaya maibigay na tulong sa lalaki, paano na lang kaya kami sa mundo? Ang ginagamit na lang namin para kahit paano ay mapansin kami at matanggap ng mundo ay kumita ng pera, magtrabaho ng mahusay at makilala sa iba’t ibang larangan para ang mapagtakpan namin ang aming pagiging alanganin. May mga gabing hindi kami makatulog o kaya takot na darating ang araw na sa pagtanda namin ay walang mag-aalaga sa amin. Natatakot kami na iwan kami ng mga taong tinulungan namin at pinagbuhusan ng aming pera dahil wala kaming mga anak na siyang mag-aalaga sa aming pagtanda.
Bakla 1:       Pero napapansin ko, may mga matatandang may mga anak na hanggang ngayon naghihirap parin naman. Sila parin ang kawawang kumakayod para sa mga anak kaya hindi garantisado na kapag may anak ka ay may mag-aalaga sa iyo pagtanda mo. (Patlang) Ano ba itong pinag-uusapan natin bakla. Tama na nga ito. Masyado kang nagpadala. Natanong ka lang ni Macho ay nagsermon ka na. (Maglalabas ng sigarilyo) Gusto niyo? Ikaw Dindo, naninigarilyo ka?
Dindo:         Hindi e. Masama yan sa baga.
Bakla 2:       Sus naman, Dindo, kailan ka pa mamatay kung hindi mo ihanapan ang sarili mo ng kamatayan. (Tatawa. Kukuha ng siang stick ng sigarilyo at sisindihan.)
Macho:        Paano pare, tatlong minuto na lang pala, magshow show na ako.  Kailangan ko na talagang bumalik do’n. Nawili naman ako sa pakikipagkuwentuhan sa mga ito. Susunod na lang kayo do’n kung do’n ang punta niyo.
Puta 2:         Sabay na kami sa iyo. Kunin ko na lang ang CP number mo para matawagan na lang kita paglabas mo. Reserved ka na sa akin ngayong gabi ha? (Tatawa)
Macho:        Oo ba. Pano tol, tawagan na lang kita mamaya ha?
Bakla 1:       See you mamaya Dindo ha? Pakuha ng Celphone number mo, puwede?
Dindo:         (Hindi sasagot. Lilingon siya kay Luningning)
Macho:        Tara na, mahuhuli na talaga ako sa show ko. Alis na muna kami pare.
Dindo:         Sige pare.

(Aalis ang tatlo. Maiiwan sina Aling Nini, Milagring, Luningning at Dindo sa entablado. Sandaling katahimikan. May bibili sa kanilang mga paninda ngunit sandali lang iyon. Lalapitan ni Dindo si Luningning.)

Dindo :        Kumusta ang benta natin diyan? (Ngingitian niya si Luningning)
 Luningning : (Matataranta. Mahuhulog ang isang supot ng pop-corn. Sabay silang pupulot no’n at hindi sinasadyang mahawakan ni Dindo ang kamay ni Luningning. Magkakatinginan sila ng ilang saglit.) Ah, ang kamay ko.
Dindo:         Sorry. (Tatanggalin ang kamay)
Luningning: Ano yung sinabi mo kanina?
Dindo:         Wala, tanong ko lang kung kumusta ang benta mo ngayon.
Luningning: Heto nga matumal. Mukhang hindi yata ako kikita sa pagbebenta dito sa lugar na ito. Mainam siguro sa tanghali na lang ako magbebenta malapit sa amin. Kaya lang naman ako sa gabi ako nagbebenta dahil sinasamantala ko ang pagtulog ng aking mga kapatid na maliliit. Sa tanghali kasi, kailangan ko silang ipagluto, pakainin, paliguan, ihatid at sunduin sila sa kanilang paaralan tapos maglilinis pa ako ng bahay, maglaba ng aming damit at iba pang mga gawaing- bahay.
Dindo :        Lahat naman tayo may mga kaniya-kaniyang mga krus na pinapasan. Nasa kung paano lang natin mapagtatagumpayan ang lahat ng mga pagsubok na ito sa ating buhay. Sa akala mo ba, wala akong mga problema? Madaming umaasa sa akin sa probinsiya, antagal ko na ngang hindi nakakauwi e. Pinapag-aral ko ang mga kapatid ko kaya nagtitiis muna akong hindi sila makita ng ilang taon at kapag makatapos sila, saka na ako uuwi.
Luningning : Nagpapaaral ka sa mga kapatid mo? Paano mo pinagkakasiya ang kita mo sa pagbabalot lang?
Dindo:         Marami ka pang hindi alam sa akin.
Luningning: Tulad ng ano?
Dindo:         Hindi mo na kailangan pang malaman. May mga diskarte tayo sa buhay na kailangang gawin para lamang matugunan natin ang ating mga pangangailangan. Mga hindi ginustong trabaho ngunit kailangan nating gawin para sa mga mahal natin sa buhay. Alam kong panandalian lang itong hanapbuhay na ito at habang kumikita pa ay samantalahin na.
Luningning: Masyado kang malalim kung magsalita. Matagal ka na ba dito nagbebenta?
Dindo:         Dito sa lugar na ito, anim na buwan pa lang. Doon sa ibang mga malapit na bahay aliwan ako dati. Nagkahulihan kaya palipat-lipat din ako ng puwesto. Mahigpit na kasi ngayong ipinapatupad na ipasara lahat ang mga night clubs at gay bars na may malaswang palabas. Ito na lang yatang mga nandito ang hindi pa napapasara na may mga malalaswang palabas. Siguro malakas mag-tip ang may- ari o kaya ay may puwesto sa gobyerno kaya hindi pinapasara o hindi hinuhuli ang mga nagsasayaw ng hubot-hubad. Mainam na itong sa labas lang magbebenta para kapag nagkahulihan ay hindi makukulong.
Luningning: Ano sabi mo? Mas mainam na lang na magbenta sa labas kaysa sa loob? Anong ibig mong sabihin ?
Dindo:         Wala. Ikaw talaga masyado kang matanong.

(Darating si Aling Nini, magpapaypay, titignan ng pataas-pababa si Luningning. Mapangiti na parang may masamang binabalak. )

Aling Nini:  Sa totoo lang, maganda kang bata. Yayaman ka kung gamitin mo ang kagandahang iyan para umahon sa kahirapan.
Luningning :    Salamat po sa papuri. Kung sa paraang iniisip niyo ho, hindi ko ho kailanman papasukin ‘yun. Siguro, kung ibang trabaho po. Kung may alam ho kayo na puwedeng makausap kasi talagang kailangan ko ho ng trabaho ngayon e. Napansin ko kasi na wala akong kikitain sa pagbebenta dito. Tapos naman po ako ng Second Year college kaya siguro naman po may trabahong puwede sa akin.
Aling Nini:  Ay, edukada ka pala. (Tatawa. Magpapaypay) Taman-tama, naghahanap si Meyor ng magtratrabaho sa kaniya. Baka pupuwede kitang irekomenda.
Luningning: Talaga ho? Kailan ho natin siya puwedeng makausap? Ano hong klaseng trabaho?
Dindo:             Sus! Nagpapaniwala ka diyan kay Aling Nini. Mamaya kung sa’n ka lang niyan dadalhin e. Narinig mo naman siguro ang sinabi niya kanina, mahirap ng magtiwala sa ngayon, di ba?
Aling Nini:  Ako lang naman ay gustong tumulong at kung ayaw mong matulungan, e okay lang naman sa akin. (Magpapaypay) Sabi mo nga na wala kang kikitahin dito? Eto na ang pagkakataon para kumita ka. Aalahanin mo, minsan- minsan lang ang pagkakataon na kakatok sa iyo kaya samantalahin mo ng pagbuksan.
Luningning: Kailan ho siya natin puwedeng makausap saka ano hong trabaho ang kailangan nila?
Aling Nini:  Magkikita kasi kami mamayang lagpas alas dose e. May secret apartment siya diyan sa tabi ng Pink Ladies’ Club. Sabado ngayon at siyempre Linggo bukas kaya diyan siya ngayon nagpapalipas ng gabi dahil wala nga naman trabaho bukas. Magbabayad kasi ako ng utang ko sa kaniya kasi atrasado na ako ng ilang araw. Kung gusto mong sumama, tutal wala na din gaanong tao dito sa mga ganoong oras, e isasama na kita para maipakilala. Sa Lunes, siguradong papupuntahin ka na niya sa opisina niya para magsimula.
Luningning : Totoo ho? Hindi ba nakakahiya na ganito lang ang suot ko?
Aling Nini:  Ano ka ba. Inpurmal tayo kasi wala naman siya sa upis niya. Sabihin ko na lang kay Milagring na siya na lang ang magbabantay sa mga paninda natin mamaya. Sandali lang naman tayo e.
Dindo:         Sigurado ba kayo sa ginagawa ninyo Aling Nini? Kapag napahamak si Luningning diyan, kayo ang mananagot.
Aling Nini:  Tongta ka talaga ano, Dindo? Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Meyor ang katagpo namin at hindi ikskunvik. Saka huwag ka ngang nangingialam ng ganyan. Daig mo pang asawa ni Luningning e. O sige na, senyasan na lang kita mamaya, okey… (Maglalakad ng tatlong hakbang paharap sa mga manonood, kikindat at mapapangiti. Bigla siyang lilingon) Siya nga pala, may mga pampaganda akong dala diyan, aayusin ko mukha mo bago tayo aalis dahil alam mo naman, gusto ni Meyor malinis tignan at maganda ang mga tratrabahuin niya .. este, magtratrabaho pala sa kaniya. Maliwanag ba?
Luningning: Gano’n ho ba? Sige ho. Maraming salamat ho talaga. Hindi ko po makakalimutan ang tulong niyo na ito. Napakabuti niyo ho talaga.
Aling Nini:  Assus ikaw naman. Wala ‘yun. (Haharap sa mga manonood at kikindat uli. Bibilis ang kaniyang pagpapaypay)
Dindo:         Sigurado ka ba diyan sa pagsasama mo kay Aling Nini?

(Maririnig ang palakas ng palakas na sirena ng mga pulis. Maririnig din ang iba’t ibang ingay tulad ng mga sigaw ng lalaki at mga babae, putok ng baril at ilang sandali pa ay may mga magtatakbuhan na mga lasing, bakla, mukhang mga matrona at ilang mga puta at kolboy galing sa bar. Magbabago ang ilaw sa entablado na parang magulo. Mapapayakap si Luningning kay Dindo dahil sa pagkagulat at takot. May dalawang pulis na hahabol sa mga nagtatakbuhan at susunod na lalabas galing sa mga bars at clubs sina Puta 1, Puta 2 at isa pang Puta na nakabalabal lamang ng tuwalya ang katawan. Guwardiyado sila ng isang pulis at si Macho naman at dalawa pang kolboy na walang pang-itaas na damit at kalahating tinakpan din lang ng tuwalya ang katawan ay guwardiyado din ng dalawang pulis.

Puta 1:         (Pasigaw) Bakit kami lang ang hinuhuli ninyo? Bakit hindi ninyo isali ang may-ari. Dahil ba sa kayang-kaya niyo lang kami? Dahil ba sa puta lang kami, at sila ay mayaman at may pera itapal diyan sa mga bulsa ninyo?
Pulis 1:         Tumahimik ka. Pasabugin ko ang bunganga mo e. Kanina ka pa dakdak ng dakdak a. Puta ka nga talaga.
Puta 2:         Totoo naman ang sinabi niya a. Bakit kaya hindi ang mga pulitiko na nagnanakaw sa pera natin ang hulihin niyo o kaya mga kasamahan niyo na nangongotong sa lansangan. May kaniya-kaniya naman tayong mga baho pero kami lang lagi ang idinidiin ninyo. Para namang hindi kita naging customer minsan e.
Pulis 2:         Nagpupunta ka pala diyan pare a. (Matatawa)
Pulis 1:         Sus, maniwala ka naman diyan, sa dami na siguro ng customer niyan e, tingin na niya sa lahat ng lalaki magkakamukha. (Tatawa ng malakas)
Puta 1:         Hoy, mamang pulis, maawa naman kayo sa amin, may mga pamilya kaming umaasa sa kinikita namin. Please naman o. (Magsusumamo)
Pulis 2:         Awa… sige na do’n kayo sa presinto magmakaawa.
Macho :       Baka naman dito pa lamang po ay puwede nating aregluhin?
Pulis 1:         Aba! Tarantado ka a, manunuhol ka pa! Sige na. Sa presinto na lang tayo mag-uusap.

(Ipagtutulakan ng mga pulis sina Puta 1 at Puta 2, tuloy-tuloy ang pagmamakaawa nila na may halong panlalandi sa mga pulis. Kahit ipinagtutulakan na si Macho ng pulis ay magawa pa nitong sumenyas kay Dindo na para bang wala lang ang lahat. Kikindatan niya at isesenyas ang pagtawag sa celphone. Ang mga sigaw at sirena ng sasakyan ng pulis ay hihinto at papallitan ito ng tunog ng paalis at palayong sasakyan. Unti-unting magbabago ang ilaw mula sa magulo at iba’t ibang kulay mula sa ilaw ng sasakyan ng pulis hanggang sa ang spot light ay nakatutok kina Dindo at Luningning na nagyayakapan pa lamang. Masusubsub ang mukha ni Luningning sa dibdib ni Dindo.)

Aling Nini : (Lalapit sa dalawa. Magpapaypay na parang walang nangyari.) Ano ba yang ginagawa ninyo. Puwede naman kayong kumuha ng kuwarto sa mumurahing motel diyan sa tabi at hindi dito sa lansangan kayo naglalampungan.
Dindo:         Aling Nini naman, ang dumi naman ng isip niyo. Nabigla at natakot lang siya. Hindi pa siguro sanay sa mga ganyan na nangyayari.
Luningning : (Parang mabibigla sa pagkayakap niya kay Dindo. Aalisin ang mga kamay at iaangat ang mukha sa dibdib ni Dindo at hahakbang paatras.) Pasensiya na. Ngayon lang kasi ako nakakita ng ganoon. Akala ko kasi tuluy-tuloy na yung putukan kanina. (Pakakalmahin ang sarili. Hihinga ng malalim at iinom sa bote ng mineral water niya)
Aling Nini:  Sus naman neneng, wala yun. Pakalmahin mo na ang sarili mo at aayusan na kita mamaya. Siguradong nandoon na si Meyor ngayon. Irerekomenda kita sa kaniya.
Dindo :        Uwi ka na lang kaya. Idadaan na lang kita sa inyo. Huwag ka ng sumama kay Aling Nini at baka kung mapa’no ka pa.
Luningning: Hindi. Okey na ako. Kailangan ko ng trabaho Dindo. Ako lang inaasahan sa bahay. Hindi kami mabubuhay sa ganitong pagkakakitahan lang. Kahit na tigawalis o kaya ay encoder sa opisina niya, basta may inaasahan akong sahod na buwanan, okey na sa akin.
Aling Nini:  Tama na nga ang dramang iyan. Huwag mong aalahanin ang mga paninda mo, dalhin mo na lamang yung pinagbentahan mo, nandiyan naman si Milagring. Siya na lamang ang magbabantay. Nandiyan din si Dindo, baka puwede din niyang bantayan kahit sandali lang.
Dindo :        Hindi ko maipapangako dahil may lakad din ako mamaya lang.

(Sandaling katahimikan. Makikitang pinapaganda ni Aling Nini si Luningning habang nayayamot at parang may hinihintay si Dindo na darating. Si Milagring naman ay maninigarilyo lang sa tabi at nag-aabot ng mga pampaganda na ginagamit ni Aling Nini.)

Aling Nini:  ‘O, hayan, tapos na. Hindi mo naman kasi kailangan ng kung anu-ano pang pantapal sa mukha mo dahil likas ka ng maganda. O, pa’no Milagring, babalikan kita mamaya. Bantayan mo ang paninda ni Luningning. Sandali lang kami ha? Huwag kang aalis dito na hindi pa ako umaalis. Simulan mo na rin mag-empake mamaya ha?
Luningning: Dindo, alis na muna kami. Wish me luck. (Ngingiti)
Dindo:         (Ngingiti din) Sige, Good luck, mag-ingat ka.

(Papasok sina Aling Nini at Luningning sa parang kalye papunta sa mga clubs at bars.)

(Papasok ang isang lalaki mula sa naging labasan ng mga naunang nagsipagganap. Nakasuot siya ng pang executive at may dala-dala attaché case. Modulated ang boses na para bang pinapatigas lamang.)

Congressman:  Ano, kumusta na?
Dindo:         Ahh, kayo pala Congressman, heto okay lang naman. Tagal ninyong hindi nagpakita a.
Congressman:  Alam mo naman, tambak ako sa trabaho sa opisina saka mahirap lusutan si Misis. Iniwan ko na lang yung kotse ko dun sa labas kasi parang nagkahulihan yata diyan kanina? Kaya nga ayaw kong kumuha o pumasok sa mga ganyan dahil mahirap ng mabisto e. Taman-tama sa akin yung mga katulad mo na discreet lang. (Mapapangiti)
Dindo:         Bakit hindi na lang kayo tumawag o kahit nagtext na lang para ako na lang sana ang pupunta sa inyo.
Congressman:Binubura ko yung mga numero kasi mahirap ng mahuli ni Misis. Namimiss na kasi kita. Ayaw mo naman kasi na ibabahay na lang kita para bisitahin na lang kita sa tuwing namimiss kita.
Dindo:         Tama na yung ganito lang. Mas safe saka malayo sa iskandalo.
Congressman:  So, pano, tara na?
Dindo:         Magkano ho ba ang atin diyan?
Congressman: Sus, parang hindi ka naman sanay sa akin. Walang problema sa kung magkano. Basta ang mahalaga, aalis na tayo ngayon at baka may makakilala pa sa akin dito. Nasa labas lang yung sasakyan ko. Tara!
Dindo :        (Lilingon kay Milagring. Kikindatan niya ito)
Milagring:    (Sesenyas ng tip, mapapangiti at tatakpan ang bunganga dahil hindi mapigilan sa pagtawa)
 (Maririnig ang tunog ng paalis na kotse. Mula sa mga disco at bars ay makikita si Aling Nini na tumatakbo. Nagmamadali ito at natataranta. May hawak siyang pera.)

Aling Nini:  Bilisan mo, Milagring, lahat ng mga paninda ilagay mo sa bayong. Bilisan mo ang kilos, ano ba! Sinabi ko sa iyo kanina na simulan mo na ang mag-impake hindi mo ginawa. Tongta ka talaga, kahit kailan wala kang silbi. (Tutulungan si Milagring sa paglalagay ng mga paninda niya sa bayong) Tara na. Ang importante ay makaalis na tayo dito ngayon.

(Aalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril. Mapapasigaw si Milagring. Mabibigla si Aling Nini at lalong matataranta.)

Aling Nini:  Ano ba, bilisan mo diyan. Tara na.

(Hihilahin ang kamay ni Milagring. Magmamadali silang lumabas. Makakarinig sila ng sigaw ni Luningning. Titigil si Milagring at tatakbo papunta sa pinagmulan ng sigaw. Hahabulin siya ni Aling Nini at hihilahin sa buhok. Matatapon ang kanilang mga paninda. Lalabas si Aling Nini at Milagring sa entablado na hila-hila ni Aling Nini ang buhok ni Milagring.
Maririnig ang sigaw ni Luningning na humihingi ng saklolo ngunit hindi pa siya makikita sa entablado. Didilim ang ilaw sa entablado at maririnig ang isang malungkot na musika. Ilang segundo lang at makikita si Luningning na tumatakbo mula sa mga disco at bars. Punit na ang damit nito at lalagyan ng parang dugo sa bibig, noo at sa kaniyang katawan na para tinamaan ng baril. Pagkarating niya si gitna ng entablado ay makikitang manghihina siya. Matatapon ang mga barya na pinagbentahn niya sa entablado. Ang dating pasigaw na paghingi niya ng tulong ay unti-unting hihina.)

Luningning: Dindo! Tulungan mo ako. Nasaan ka na Dindo, parang awa mo na tulungan mo ako. (Mapapaupo. Isa-isahing pupulutin ang mga nagkalat ng barya.) Para ito sa mga kapatid ko, sa pamilya ko. Diyos ko, tulungan niyo po ako. Iligtas niyo po ako. Kailangan ako ng mga kapatid ko. Bakit may mga nilikha kayong halang ang kaluluwa na kahit mapahamak ang kanilang kapwa magkapera lang? Bakit ako na gustong kumita ng marangal ang siya paring talo sa huli? Bakit silang mga nasa posisyon na tumulong sa mga nangangailangan ang siyang tumatapak sa amin? Diyos ko… bakit? (Hahagulgol) Ito ba? Itong mga baryang ito ba ang kapalit ng buhay? Diyos ko, bakit hinahayaan mong mangyari ito.

(Iiyak. Muling matatapon ang mga barya sa kaniyang mga palad. Manghihina. Lalakas ang malungkot na musika. Unti-unting mapapahiga sa entablado ang duguang katawan ni Luningning. Hihina ang ilaw sa entablado at lalakas ang spotlight sa hindi gumagalaw na si Luningning. Unti-unting hihina ang malungkot na musika kasabay ng unti-unti ding paghina ng spotlight hanggang tuluyang didilim ang buong tanghalan.)