SUPPORTERS

Sunday, March 31, 2013

Pedestal (Superstar ka ng buhay ko) Chapter 2


Ako si Cedrick

Siya si Idol Mark Kym

Ang maldita kong bespren, si Tzekai

Chapter 2
                Pumatak ang luha ko sa prinint kong picture ni Mak-mak. Hindi ko kailanman makalimutan ang araw na iyon. Ang araw na iyon ang siyang naging simula ng malaking pagbabago sa buhay ko.
Gusto ko siya noong tulungan. Ayaw kong mahuli siya at saktan ng mga tanod na humahabol sa kaniya. Nakita ko sa kaniyang mukha noon ang takot. Bago iyon sa aking paningin. Hindi ko siya dati kinakikitaan ng takot sa tuwing may humahabol sa kaniya. Mabilis man ang kaniyang pagtakbo ngunit alam kong maabutan siya ng mga tanod. Mas mabilis akong tumakbo kaysa sa kaniya. Ilang beses ko na siyang tinalo kapag naglalaro kami ng takbuhan. Nang halos matapat siya sa akin ay bigla siyang tumawid sa daan. Nakita ko ang padating na sasakyan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Ang namayani sa aking isipan ay kailangan ko siyang pigilan o kailangan itulak para makaligtas siya sa panganib. Biglang nanaig sa akin ang aming pagkakaibigan. Humakbang ako, ang isang hakbang ay isang napakabilis na pagtakbo. Pikit mata ko siyang itinulak nang alam kong ilang dipa na lang ang layo sa amin ng sasakyan. Sobrang saya ko noong nasiguro kong hindi kami nahagip ng sasakyan.
                “Anong ginawa mo? Muntik ka ng napahamak ah!” sigaw niya nang nakatawid na kami.
                Wala kaming panahong magtalo. Natatakot ako para sa kaniya noon. Hindi ako lumilingon sa kabilang kalsada o mismong kalsada kahit may naririnig na akong sigawan. Alam kong sigaw ng mga tao iyon nang makita nilang muntik na kaming masagasaan.
                “Bilis! Ano pang hinihintay mo! Takbo na!” sigaw ko.
                “Paano ka! Hindi kita puwedeng iwan!” sagot niya.
                “Paanong ako! Hindi ako ang hinahabol nila. Ikaw ang hinahabol nila. Bilis!”
                Ngunit nakailang hakbang palang siya ay nakita ko na siyang hinarang ng isang tanod. Mabilis siyang umatras at tumalikod ngunit nasakote na siya ng isa pa. Maingay ang paligid. Dumami ng dumami ang taong nakiusyoso sa bahaging pinanggalingan naming daan. Ngunit hindi sa kung ano ang nangyari sa daan ang aking konsentrasyon noon. Inagaw ng pansin ko ang pagkahuli nila kay Mak-mak.
                “Ced! Tulungan mo ako!” sigaw niya.
Nagwawala.
Pilit niyang tinatanggal ang kamay ng isang tanod sa kaniyang batok at kamay.
                Tumakbo ako palapit sa kaniya.
                “Bitiwan ninyo ang kaibigan ko. Wala siyang kasalanan!” sigaw ko.
 Nakipagtulungan ako sa pagtanggal sa kamay ng tanod. Gusto kong makatakas si Mak-mak noon. Hinawakan niya ang kamay ko. Nakita ko ang pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi.
                “Ayaw kong magkalayo tayo Ced! Ikaw lang ang kaibigan ko! Ikaw lang ang nagpapahalaga sa akin!” sigaw niya. Humahagulgol.
                Desperado na akong iligtas siya noon. Lalo na nang makita kong hinihila lang siyang parang isang criminal. Hinawakan ng isang tanod ang kuwelyo ng damit niya at ang isa tanod naman ay hawak ang dalawa niyang kamay. Padausdos nila itong hinihila dahil ayaw sumama ni Makmak sa kanila ng matiwasay. Natanggal ang pagkakahawak niya sa aking kamay. Naiwan akong naguguluhan kung ano pa ang maari kong gawin. Patuloy ang pagtawag niya sa aking pangalan. Tumakbo ako. Hinabol ko ang dalawang tanod.  Sa isang iglap ay kinagat ko ang kamay ng nakahawak sa kamay ni Mak-mak ngunit dahil bata lang ako ay nagawa nitong itinulak ako ng ubod ng lakas. Napaupo ako at sumadsad sa gilid ng lansangan. Hinawakan ng isang tanod si Makmak ng buong higpit sa kaniyang batok. Nagsisihgaw siya sa sakit.  Ang isang tanod ay humakbang na palapit sa akin.
                “Kasabwat ka ba nito ha! Ano! Matapang ka! Gusto mo isama ka namin sa kulungan at sabay kayong mabulok ng kaibigan mo ha!”
                Paupo akong umatras, padausdos na palayo.
                “Huliin mo na din ‘yan ng magtanda ang dalawang ito!” singhal ng nakahawak kang Makmak.
                “Huwag ho. Nag-aaral ho ‘yan. Di ko nga ‘yan kilala. Tumutulong lang sa akin.” Sigaw ni Makmak.
                “Paanong di mo kilala e, alam mo ang pangalan niya.” Sagot ng lumalapit sa akin na tanod.
                Nagkatinginan kami ni Makmak. Gumalaw ang kaniyang ulo at nguso. Hindi man niya sinasabi ngunit naiintindihan ko ang gusto niyang ipagawa sa akin. Ilang hakbang na lang ang layo sa akin ng tanod.
                “Tumayo ka na Ced! Takbo! Bilis! Hayaan mo na ako! Kaya ko ang sarili ko! Huwag mo akong isipin. Takbo na!”
                Bago tuluyang nakalapit s akin gang tanod ay mabilis akong tumayo at sinunod ko ang sinabi ni Makmak. Mabilis akong kumaripas ng takbo palayo doon. Ilang hakbang lang ang tanod nang tumigil na ito. Minabuti kong magtago sa likod ng puno at pinagmasdan ko ang unti-unting paghila nila kay Mak-mak palayo sa akin. Naiwan ako doong lumuluha.
                Tumingin ako sa nagkakagulong mga tao sa daan. May dumating na mga pulis. Pinunasan ko ang luha ko. Biglang naisip ko si nanay. Baka hinihintay na ako no’n. Bago ako makatawid sa daan ay madadaanan ko ang mga nagkukumpulang mga tao. Minabuti kong silipin na muna kung ano ang kanilang pinagkakaguluhan. Sumingit ako hanggang sa nasa harapan na ako.
                Isang babae ang nakadapa sa kalsada at naliligo ito sa sarili niyang dugo. Kinabahan ako. Hindi ako makakilos sa aking kinatatayuan. Kilala ko ang suot na damit ng babae. Lumapit ang pulis sa nakahandusay na ale. Unti-unti niya itong pinatiyaha para malaman nila ang pagkakakilanlan nito.
                Nang makita ko ang duguang bangkay ay napasigaw ako.
                “Nay!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!! Nanay ko!!!!!!!!!!!”
                Tumakbo ako palapit kay nanay na noon ay nakapikit. Mabilis akong lumuhod at hinawakan ang kamay niya.
                “Nay! Nanay ko!” paulit-ulit kong sigaw. Nag-uunahan ng bumagtas ang luha sa aking pisngi.
                Naramdaman ko ang mahinang pagpisil ni nanay sa aking kamay. Unti-unting bumukas ang kaniyang mga mata.
                “A-nak…an-anak ko!” kasabay iyon ng halos maputol ng hininga ni nanay. Sumikip ang dibdib ko.
                “Nay! Huwag kang mamatay nay!” bulong ko sa kaniya. Nagmamakaawang huwag niya akong iwan. “Tulungan ninyo kami! Dalhin natin si nanay sa hospital! Parang awa na ninyo! Tulungan ho ninyo kami!” paulit-ulit kong paghingi ng tulong sa mga naroon.
                “Sa-la-mat sa Di-yos a-nak ligtas ka. A-ka-la ko ka-nina maba-bang-ga ka na ka-ya a-ko tum-akbo para sa-na ilig-tas ka ngu-nit a-ko ang na-na-hagip ng sa-sakyan. A-nak, lagi mong…” may lumabas na dugo sa bibig ni nanay. Naninigas na ang kaniyang mga kamay. Nakita kong hirap na hirap na siyang suminghap ng hangin.
                “Nay huwag po! Lumaban ka ‘nay! Tulungan ninyo kami! Parang awa niyo na ho! Buhay pa si nanay!”
                May mga nagsilapitan na para tulungan si nanay. Pati ang mga pulis ay inilapit na din nila ang kanilang sasakyan. Hindi ko binitiwan ang pagkakahawak ko sa kamay ni nanay. Nakita kong gumagalaw ang kaniyang labi. Inilapit ko ang aking tainga.
                “Ma-hal kita, anak. Ma-hal na ma…” hanggang sa naramdaman ko ang isang malakas na paghinga ngunit hindi na naulit pa. Tuluyang humina ang pagkakahawak niya sa aking kamay.
                “Nay!” ginalaw ko ang kamay niya. “Nay! Huwag mo akong iwan nay! Nay, lumaban ka ho! Hindi ko ho kayang mawala ka…Nay!!! Paano ako Nay!” hanggang sa may humila na sa akin palayo doon. Binuhat nila si nanay pasakay sa sasakyan ng mga pulis.
                Nagwawala ako. Sumisigaw ako. Ayaw kong mahiwalay kay nanay. Nang naipasok na nila ang katawan ni nanay sa sasakyan ay mabilis din akong sumakay. Hinawakan ko kaagad ang kamay ni nanay. Pakiramdam ko noon ay tuluyan nang nawala ang taong nagmamalasakit sa akin. Ang kakampi ko sa mundo. Ang nanay kong nag-aalaga at nagmamahal sa akin.
                “Nay, huwag mo akong iwan. Di ko pa kayang mag-isa nay. Paano ako ngayon nay! Nanay Ko! nanay!!!!” paulit-ulit kong isinisigaw. Napuno ng dugo ang uniform ko. Humahagulgol ako.
Niyakap ko ang naliligo sa dugong bangkay ni nanay. Nakamasid sa akin ang ilang pulis. Nakita ko sa mata ng ilan ang pag-agos ng luha sa kanilang pisngi. Hindi ko na alam noon kung ano ang kaya kong gawin para huwag lang sanang mawala si nanay sa akin. Masyado pa akong bata para mawalan ng isang ina. Hanggang sa hospital ay walang tigil ang aking pag-iyak.
Inilayo ako ng mga pulis kay nanay dahil ipinasok nila ito sa emergency room. Ngunit alam ko noon na patay na si nanay. Iniwan na ako ni nanay. Binigyan ako ng pagkain ng mga pulis ngunit hindi ko iyon pinansin. Si nanay lang ang tanging kailangan ko.
Nang inilabas nila ang bangkay ni nanay ay nakumutan na ito ng puti. Sumunod ako hanggang sa inilagak na nila ito sa Morgue. Kinausap ako ng mga pulis na kailangan ko daw silang samahan hanggang sa bahay namin para sila na ang magsabi sa aking pamilya sa buong pangyayari. Ngunit kahit bata palang ako noon ay alam kong magkalaban ang mga pulis at ang grupo namin. Hindi nila dapat malaman na rebelde kami. Hindi ko sila puwedeng isama sa aming kuta.
“Dalawa na lang ho kami ni nanay ang nabubuhay ngayon. Wala na po kaming ibang pamilya.” Pagsisinungaling ko.
“Kahit kamag-anak boy, wala kayo? Saang barangay kayo? May alam ka bang puwede nating tawagan?”
“Wala ho!” humihikbi kong sagot.
“Sige, ganito na lang. Ipaayos natin ang bangkay ng nanay mo. Babalik kami bukas dito para tulungan ka namin sa pagpapalibing. Okey ka lang ba dito? Kailangan naming gumawa ng report para sa pagkamatay ng nanay mo.”
                “Okey lang ho ako dito.” Matigas kong sagot.
                “Maaring may makakabalik pa sa amin mamaya ngunit sigurado boy, bukas na. Bilhan ka na lang namin ng makakain mo dito. Anong gusto mong kainin ha?”
“Wala ho.” Humihikbi parin ako.
 Tumingin sa akin ang pulis. Huminga siya ng malalim. Nakita ko sa kaniyang mukha ang awa sa akin. Binunot niya ang kaniyang pitaka. Naglabas ng limandaan.
                “Kung may kailangan ka habang wala kami, kahit ano. Bumili ka. Subukan naming makabalik balong ha?” lumuhod ang pulis at niyakap ako. “Ganyan lang ang buhay anak. Tibayan mo lang ang loob mo. Pagkatapos ng libing at kung wala kang mapuntahan, sabihin mo lang sa akin. Huwag kang magdalawang isip na lapitan ako at tutulungan kita ha?” hinaplos ng pulis ang aking buhok saka siya maluha-luhang tumalikod sa akin.
                Iba ang ginawa ng pulis na iyon sa mga kuwento ni tatay sa akin. Naramdaman ko ang kabutihan niya. Nang umalis na sila ay lumapit ako kay nanay. Muli akong napahagulgol nang nakita ko ang malaking sugat sa kaniyang ulo. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa lalo na nakikita ko ang mapagmahla kong ina ay wala ng buhay.
                “Nay, patawarin ho ninyo ako. Alam kong kasalanan ko kung bakit ho kayo nabangga. Nanay ko, alam kong gusto niyo lang ho sana akon iligtas. Hindi ko ho sinasadyang mangyari iyon ‘nay. Sinisisi ko ho ang sarili ko ngayon kung bakit nangyari sa inyo ito ‘nay. Nanay ko!” hinawakan ko ang malamig na mga kamay ni nanay.
Pinunasan ko ang luha ko.
                “Maiwan ko lang ho kayo sandali ‘nay. Kailangan ko hong umuwi para masabi kay tatay ang nangyari sa inyo. Babalik ho kami kaagad para sunduin ka naming dito ‘nay. Sandali lang ho ako.”
                Mabilis akong umalis. Sumakay muna ako ng jeep papuntang Solano at mula doon ay naglakad takbo na ako papunta sa aming kuta. Hindi ako noon nakaramdam ng takot sa madilim at masukal na gubat. Ang tanging nasa isip ko noon ay ang bangkay ni nanay na kailangan naming mabawi bago mag-umaga o kaya bago makabalik ang mga pulis. Pagdating ko sa aming kuta ay agad akong sinalubong ni tatay. Humihingal pa din ako sa pagod.
                “Bakit ikaw lang, anak? Nasaan si nanay?” tanong ni tatay na noon ay nag-aabang sa aming pagdating.
                Pinakalma ko muna ang aking sarili. Huminga ako ng huminga dahil sa pagod na nararamdaman ko. Nang pakiramdam ko ay maayos na aking paghinga ay tumingin sa akin si tatay. Nakita ko agad sa kaniyang mukha ang pagkabahala at pagtataka.
                “Nasaan si nanay, anak?” tanong muli niya.
                “Tay, wala na po si nanay.”
                “Anong wala na siya. Sinundo ka lang niya anak? Anong nangyari sa nanay mo?” hinawakan niya ang magkabilang balikat ko.
                “Patay na po si Nanay, wala na si nanay tay!” Humagulgol ako.
Yumakap ako kay tatay. Niyakap niya ako habang nakaluhod siya. Hindi ko man siya naririnig na umiyak ngunit sapat na ang pagpatak ng kaniyang luha sa aking leeg. Hanggang sa gumagalaw na din ang balikat nito.
                “Anong nangyari sa inyo ni nanay anak? Sabihin mo kay tatay. Anong ginawa nila sa nanay mo?”
                “Nabundol siya ng sasakyan ‘tay. Patay na si nanay nang dalhin ng mga pulis sa hospital.” Lumuwang ang pagkakayakap ni tatay sa akin. Tumayo siya. Sumigaw. Pinagmumura ang mga pulis.
                Hindi ko masabi sa kaniyang walang kasalanan ang mga pulis sa nangyari kay nanay. Alam kong hindi din naman siya makikinig sa akin. Nang marinig ni kuya ang nangyari kay nanay at napasuntok siya sa puno dahil sa galit. Dumugo ang kaniyang kamao.
                “Nasaan ang nanay mo ngayon?” tanong sa akin ni Kuya Zanjo.
 Siya lang ang tanging nakaisip noon kung paano maiuwi ang bangkay ni nanay. Niyakap niya ako ng mahigpit. Sa balikat niya ako umiyak ng umiyak hanggang sa naramdaman kong binuhat niya ako at marahan niyang hinaplos ang aking likod.
                Binalikan namin ang bangkay ni nanay nang mahimasmasan na sina kuya at tatay. Mula noon, naging malupit na si tatay sa mga kalaban. Wala na siyang sinisino. Nakaligtaan na din niya ang responsibilidad niya sa akin bilang anak niya. Tumigil ako sa pag-aaral. Isinama ni nanay sa hukay niya ang lahat ng aking mga pangarap sa buhay. Kasabay ng kaniyang pagkawala ang sana ay kalayaan at karapatan kong maging isang masayang bata. Hindi na ako naalagaan, hindi ko na naramdaman pa ang pagmamahal ni tatay sa akin. Sinisisi ko ang sarili ko sa pagkamatay ni nanay. Nakakadagdag din ang sakit ng kalooban ko nang ipinamukha sa sa akin ni tatay na isa ako sa mga dahilan kung bakit maaga kaming iniwan ni nanay.
                May tatlong katok sa pintuan ng aking kuwarto. Mabilis kong pinunasan ang aking luha. Kinuha ko ang mga naprint kong pictures ni Makmak at inipit ko iyon sa aking libro. Bumukas ang pintuan.
                “Kumain ka na anak?” si Papa Patrick.
                “Hindi pa po.” Sagot ko.
                “E, anong ginagawa mo diyan. Bumaba na at sabayan mo na kaming kumain ng papa mo.”
                “Opo.” Maikli kong sagot.
 Isasara na sana niya ang pintuan ngunit parang biglang may napansin siya sa mukha ko.
Pumasok siya.
                “Bakit namumula ang mga mata mo? Umiiyak ka ba?”
                “Hindi ho. Kinamot ko lang ho kasi makati.”  Pagsisinungaling ko.
                “Ganun ba? May eyemo sa kuwarto. Bago lumala pa ‘yan e dapat gamutin na. Baba ka na at kakain na tayo.”
                Bago ako sumunod kay Papa Pat ay muli kong pinagmasdan ang picture ni Makmak. Huminga ako ng malalim. Alam kong wala siyang kasalanan sa pagkabunggo ni nanay noon. Kaya lang hindi ko makalimutan ang araw na iyon dahil iyon na din ang huling araw na nagkita kami. Ni wala na akong naging balita pa sa kaniya mula noon.
                Pagbaba ko sa sala ay naabutan ko si Manang na nanonood ng teleserye.
                “Grabe, ang guwapo talaga ng batang ‘to.”
                “Si Manang naman, hanggang ngayon kailangan pang bolahin ako.” Sagot ko.
                “Ha? Hindi ikaw ang sinabi ko, guwapo ka naman pero yang batang nasa tv ang sinasabi ko at hindi ikaw.”
                Tumingin ako sa TV. Si Makmak. Nasa teleserye na din pala siya. Huminto ako. Napangiti ako sa kaniyang pag-arte. Natural na natural. Kahit nakasando lang siya ng itim at nakapantalon ng maong ay nangingibabaw pa din ang kaniyang kaguwapuhan. Hindi ko namalayang umupo sa tabi ni Manang. Hindi ko na natanggal ang mga mata ko sa TV.
                “Ced, ano, kakain na.” tawag ni Papa Zanjo.
                “Pa, sandali lang panonoorin ko lang to, please?” hindi ko inaalis ang nakapako ko nang mga mata sa TV.
                Patalastas.
                “Manang kanina pa ba ‘yan nagsimula? Anong title niyan?” interesado kong tanong.
                “Hanggang sa Huling Laban ang pamagat niyan. Ngayon lang ‘yan nagsimula. Maganda ano?”
                “Puwede hong kapag magsimula ‘yan gabi-gabi ay tawagin niyo ako? Gusto kong subaybayan eh.”
                “Sige. Patalastas palang naman. Kumain ka na muna doon.”
                “Mamaya na ho. Tapusin ko na lang muna ito.” Sagot ko.
                “Ano ba yang pinapanood ninyo at hindi na makaalis si Cedrick dito, Manang?” si Papa Patrick. Nakapamaywang na. Alam kong kung ganoon ay kailangan ko nang sundin ang sinasabi niya. Tumayo ako ngunit hindi ko maialis ang aking mata sa TV lalo pa’t nagsisimula na naman.
                “Hanggang sa huling laban ang title niya sir. Bagong teleserye. Ngayon lang nagsimula.”
                “Dude! Halika ka dito ah.” Tawag ni Papa Pat kay Papa Zanjo.
                “Akala ko ba kakain na?” bungad ni Papa Zanjo nang nakalapit na sa amin. Nakatutok na kaming tatlo sa TV.
                “Yung pamagat nang teleserye, Hanggang sa huling laban. May naalala lang ako. Saka yung mga scenes niya, parang nakakarelate ako.” Si Papa Patrick.
Umupo siya sa tabi ko. Sumunod ding umupo si Papa Zanjo. Nilingon ko sila. Nakatutok na ang kanilang mga mata sa TV. Hinawakan ni papa Zanjo ang kamay ni Papa Pat. Sumandig si Papa Pat sa dibdib ni Papa Zanjo. Tahimik silang nanonood na din ngunit ramdam ko ang pagmamahalan nila sa isa’t isa. Tinignan ko ang TV. Eksaktong lumabas na din si Makmak sa scene. Napalunok ako. Nilingon ko ang mga umampon sa akin. Tumingin muli ako sa TV. Sana darating ang araw magiging ganyan din kami ni Makmak. Ngunit paano? Hindi ko na siya maabot. Nakalayo na siya. Sikat na siya. Maalala pa kaya niya ako?
                “Guwapong bata yung bida ano sir?” si manang.
                “Anak sino siya? Parang bagong mukha.” si Papa Pat.
                “Si Makmak po.” Wala sa sariling sagot ko.
                “Makmak?” parang hindi pangalan ng artista. Natawa si Papa Zanjo. “Kung anu-ano na lang ang mga pangalan ng artista ngayon.”
                “Mark Kym Santiago po ang buo niyang pangalan Pa.” may diin ang sinabi ko.
Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng pagkairita nang tinawanan ni Papa Zanjo ang pangalan ni Makmak. Pero naisip ko. Tama nga naman si Papa. Hindi ko na dapat tinatawag pa na Makmak si Mark Kym. Malayong-malayo na siya sa dating siya noon.
                “Hayun naman pala. Mark Kym daw naman pala ang pangalan. Updated ang anak namin ah!” si Papa Patrick. Ginulo niya ang buhok ko. Kinikiliti-kiliti ang tainga ko.
                “Ehhhh Papa, nanonood ako eh!”
                “Sungit!”
                Hindi ko na lang pinansin. Napapangiti ako sa pinapanood ko. Tumaas ang paghanga ko kay Makmak. Gumagaan ang pakiramdam ko sa tuwing naka-focus sa kaniyang mukha ang camera. Ang kaniyang mga ngiti. Ang kaniyang maamong mukha at gumagandang hubog ng katawan. Napalunok ako.
                Mula noon ay wala na akong pinapalampas na araw na hindi ko mapanood si Makmak. Lahat ng bago niyang picture sa internet ay meron ako. Updated ako lagi sa mga balita tungkol sa kaniya. Bago ako matulog ay ang fanpage niya sa facebook ang una kong binubuksan at bago matulog ay mukha din niya ang aking pinagmamasdan.
                Kasama ko sina Papa Pat at Papa Zanjo sa panonood gabi-gabi mula noon. Sa sala na kami kumakain kung nataon na teleserye na niya ang ipapalabas. Alam kong hindi naman talaga mahilig sina Papa manood pero dahil gusto ko kaya ako ang pinapakisamahan nila. Minsan nga doon pa sila mismo nagkukuwentuhan sa sala habang nanonood kami.
                “Papa kasi, ang ingay e. Di ko naririnig.” Nayayamot kong reklamo kapag napapasarap sila ng kunwetuhan at nakakalimutan nilang may nanonood. Napapathumbs-up din ang kakampi kong si Manang kapag ganoong sinusuway ko ang mga magulang kong naglalampungan kahit kumakain kami at nanonood.
                “Hayan, nagalit na si kuya. Huwag ka kasing magulo dude at lalabas ‘yan sa exam niya bukas. Tayo pa ang sisihin kung hindi niya makuha ang tamang sagot.” Kasunod iyon ng kanilang pigil na hagikgikan.
                “Eh, ang kulit naman!” muli kong protesta.
                Hindi sila sasagot pero magbubulungan sila na parang nang-aasar kaya kadalasan nawawala ang concentration kong panoorin si idol.  Hindi naman kasi gaanong mahalaga sa akin ang buong kuwento ng pinapanood ko, basta ang importante sa akin ay masilayan ko si idol gabi-gabi. Kaya kadalasan nauuwi sa asaran ang sana ay seryoso naming panonood. Saka lang ako nakakaconcentrate manood kung may date silang dalawa kapag monthsary nila o anniversary. Lalo na kung bibisita sina Tito Love at Tito Dave, wala na talaga, pista na sa bahay sa sobrang asaran at ingay nia. Daig pa nila ang mga bata kung mag-asaran.
                Dumaan pa ang panahon. Nagtapos ako ng Elementary. Ipinasok ako nina Papa sa isang mamahaling high school ako. Mula first year hanggang second year ay aktibo kami ni Tzekai sa pagmaintain ng fan page ni idol. Para sa amin, si Mark Kym Santiago ang superstar ng buhay namin. Dumami ng dumami ang nagla-like sa ginawa naming fanpage. Maraming nagmemessage at ipinapaabot kung gaano nila kagustong makita si Mark Kym. Kami nga ni Tzekai ay hindi pa naming nakakaharap si Makmak mapagbibigyan pa kaya naming ang hiling nilang magkaroon ng party kasama si idol? Imposible yata ‘yun.
Unang nakita ko si Mark Kym nang may mall tour siya. Nakipagsiksikan kami ni Tz
ekai para lang makita siya ngunit sa dami ng naunang tao ay hanggang sa pinakadulo lang kami. Kahit gaano siya kalayo sa akin noon ay langit na din iyong maituturing. Kinikilig ako lalo na nang kumanta siya.

                “Kumusta kayo sa likod.” Singit niya noon sa kinakanta niya.
                “We love you, Mark Kym!” sabay naming sigaw ni Tzekai. Gusto namin na kahit malayo kami ay marinig niya ang buong lakas naming isinigaw. Naglingunan ang mga nasa harap at sides namin. Kumaway si idol sa amin.
“I love you too!” sagot niya.
Kinilig kaming dalawa.
                “Ohh ano! Ha! Inggit lang ang peg ninyo? E-eksena din kaya kayo at hindi ganyang nakasimangot kayo sa amin. Hellow! Maganda kami! May karapatan kami! E, kayo?” si Tzekai na kahit kailan ay isang maldita at palaban kahit saan kami makarating.
                “Uyy ano ka ba? Huwag kang mang-away sa mga katulad nating fans. Baka mamaya isa sa kanila ang mga naglike sa fan page natin para kay Mark Kym. Behave ka nga. Saka ikaw lang ang halata sa atin. Lalaking-lalaki ang hitsura ko tapos di mo na iginalang.”
                “Ayy oo nga, pamintang to! Ewan ko sa’yo. Sarap kaya magpakatotoo!”
                “Sandali nga. Uyy! Kita mo? Parang nakatingin si Mark Kym sa atin. Nakilala niya kaya ako? Alam niya kayang ako ito?” kilig kong bulong kay Tzekai.
                “Ilusyonada! Andiyan ka parin sa pangarap mong kababata mo siya. Tama na yung President  ako at Vice-President ka ng hindi official na fans club niya. 15k na din ang naglike sa page natin ano. Sana mapansin iyon ng Manager niya at tawagan niya tayo para makilala natin siya ano?”
                “Two years na nga iyon, wala naman nangyayari. Sa totoo lang, nawawalan na ako ng pag-asa na dahil diyan sa facebook na ‘yan ay mapapansin din tayo. Ilang taon pa ba ang kailangan nating hintayin. Ilang likes ba ang kailangan nating ipunin. Lagi naman tayong present sa lahat ng mall tour, nanonood sa premier nights ng mga movies niya pero sa kasawiampalad na hindi man lang natin siya malapitan. Kahit nga sa mga pelikulang extra lang siya o kaya napadaan lang, hindi din natin pinapalagpas puntahan pero anyare?”
                “Nganga!” nakatawang sagot ni Tzekai. “Ano ka ba, huwag kang mawalan ng pag-asa. Hinihila mo ako sa pagiging nega mo. Malalapitan din natin siya! Makikilala din niya tayo. Malay mo maging bestfriends pa niya tayo. Positive ako diyan.”
                At tulad ng mga nakaraang gabi. Uuwi kami ni Tzekai. Mangangarap na sana next time makikilala na niya kami. Makaka-handshake din namin siya. Kahit iyon lang siguro masaya na ako. Kahit makadaupang palad ko lang si idol. Kahit hindi na niya ako maaalala pa. Masaya na ako kahit malapitan ko lang at makamayan ang superstar ng buhay ko.
                Hihiga na sana ako nang tumunog ang iphone ko.
                “Hellow. Napatawag ka bespren!”
                “OMG! Makinig ka! Hindi ka maniniwala pero this is it!” kinikilig na bungad ni Tzekai.

                At mukhang magkakatotoo na nga ang aking pangarap. Makikilala na kaya ako ni Makmak kung magkaharap na kami ng malapitan?
               
               
                 


Wednesday, March 27, 2013

Pedestal (Superstar ka ng buhay ko!) Chapter 1

Ako si Cedrick


Siya si Mark Kim o kaya Mak-Mak ng mga bata pa kami

Siya ang bestfriend ko, si Tzekai

PEDESTAL
CHAPTER 1
Lahat ng uri ng hirap napagdaanan ko na. Sa murang edad ay kailangan kong makipagsabayan sa paglalakad sa mga rebeldeng kasamahan ko umuulan man o katanghaliang tapat. Tinitiis ang gutom at pagkauhaw. Mga walang katiyakang mga paglalakbay. Matutulog na basa ng tubig ulan at pinapapak ng lamok iadgdag pa ang walang kumot o unan. Mahirap ang buhay ng batang rebelde. Wala akong nagiging kalaro. Pinagkaitan ako ng karapatan para i-enjoy ang buhay ng pagiging bata. Sa tuwing nilulusob kami ng mga sundalo, naroon ang takot na tamaan ako o kaya ang ang mga magulang ko at si kuya ng mga bala mula sa mga baril ng mga sundalo. Hindi matahimik ang aming buhay. Laging naroon ang panganib. Ngunit hindi kuwento sa pagiging batang rebelde ko ang sinasaklaw ng kuwento ng buhay ko. Hindi ang mga hirap na pinagdaanan namin nina Papa Pat at Papa Zanjo. Tulad ng lagi nilang sinasabi sa akin, kailangan ko nang kalimutan ang mapait na bahaging iyon ng aking buhay kahit madalas ay dinadalaw parin ako ng bangungot ng nakaraan. Sapat na ang kuwento ng hirap ng mga namumundok , ng aming ipinaglalaban at buhay ng isang military sa kuwento ng buhay ng mga umampon sa akin. Ang kuwentong ibabahagi ko ay buhay ko kasama ng lalaking minahal ko at ang mga pinagdaanan ko sa likod ng pinilakang tabing. Isang buhay na akala ko ay sa pelikula ko lang mapapanood. Isang palasak ng kuwento na hindi ko inakalang mangyayari din pala sa akin.
Naging mabuti ang balik ng kapalaran sa akin. Sa tulong ni Papa Pat at Papa Zanjo ay napaghandaan namin ang eksamin ko sa Accelaration Program ng DepEd. Unang mga buwan ay Grade 3 ako sa edad na labindalawang taong gulang ngunit dahil sa sipag kong mag-aral at sa galing ng tutor na kinuha nina Papa Pat at Papa Zanjo, pagdating ng Marso ako na ay isa sa mga nagsipagtapos sa elementary.
Simulan ko ang ating kuwento nang unang araw ko bilang Grade 6 sa edad na labindalawang taong gulang. Unang araw ko sa klase pagkatapos ng aking accelaration. Lahat sila magkakakilala na. Kahit sabihing isang karangalan ang makaklase nila ang isa sa mga pumasa sa acceleration, ang katotohanang galing ako sa Grade 3 at kaedad ko lang sila ay hindi iyon masiyadong nakakahugot ng kanilang atensiyon.
Tahimik lang akong nakaupo sa tabi ng isang madaldal at malikot kong kaklase. Siya yung tipong hindi ka na magdadalawang isip kung ano siya. What you see is what you get. Palaban at walang inuurungang bakla. Si Tzekai. Christian Carl ang totoo niyang pangalan pero ang gusto niyang itawag sa kaniya ay Tzekai. Siya lang naman ang kumakausap sa akin dahil siguro seatmates kami at wala na din lang akong ibang pamimilian na kakaibiganin pa kundi ang siya. Mas mabuti na iyon kaysa sa wala. May mga gusto nga akong mga kaibigan pero hindi naman ako pinapansin dahil siguro, laking bundok ako at hindi ko pa sila kayang sabayan sa mga pinag-uusapan nilang gadget. Kung hindi nga lang dahil kay Papa Pat at Papa Zanjo hindi siguro ako makakatuntong sa ganoong school.
May pinapakopya sa pisara ang aming teacher nang naglabas si Tzekai ng notebook niya. Dinaanan ko muna ng tingin ang cover ng kaniyang notebook ngunit parang kilala ko kung sino ang naroon. Kilala ko ang ginunting niyang picture na iyon na idinikit niya siya cover ng notebook niya. Hindi ako maaring magkamali. Si Mak-mak. Hindi ko napigilan ang sarili kong kunin ang notebook ni Tzekai na nakapatong sa kaniyang arm chair. Tinitigan ang nasa litrato. Taglay parin niya ang kutis niya nang mga bata kami. May kakapalang kilay. Tamang tangos ng ilong, malusog na labi at malamlam na mga mata na sumasabay ito sa pagngiti ng kaniyang mga labi. Himinga ako ng malalim. Sa edad kong labindalawang taong gulang, may kung anong bugso ng damdamin na ako noong naramdaman. Hindi ko lang masiguro kung ano talaga iyon.
“Crush mo din?” tanong ni Tzekai sa akin.
“Crush? Anong crush? Kilala ko ‘to e.” Napakunot ako ng noo.
“Siyempre naman ‘no. Paanong hindi mo siya kilala e sumisikat na siya ngayon kahit halos isang buwan ko pa lang siya napapanood ay kinikilig na ako sa kaniya. Kokonti pa nga lang ang exposure niya sa TV pero sisikat din siya balang araw. Tandaan mo ‘yan. Magiging president ako ng fans club niya.” Kinikilig niyang kinuha ang notebook niya sa akin saka niya ito hinalikan.
“Artista  ba siya?”
“Te, may TV ba kayo? Kaloka ka.”
“May TV kami pero hindi ako pinapayagan nina Papa na magbabad sa harap ng TV para manood. Gusto nila unahin ko ang pagrereview ko dati para sa aking acceleration pero ngayong pumasa na ako. Sigurado may oras na akong manood. Anong channel siya at anong oras ang kanilang TV Show?”
“Kapamilya ka ba? Tuwing hapon ng Linggo, abangan mo siya. Naku kinikilig ako kahit nahahagip lang siya ng camera. Hinihimatay na lang ako.”
“Artista na pala siya?”
 Akala ko hindi malakas ang pagkakasabi ko iyon at dahil narinig ni Tzekai ay hindi nakaligtas sa pagiging madaldal niya.
                “Makapagsalita ka parang may nakaraan. Close kayo, te? Ewan ko sa’yo ha. Iba ang pakiramdam ko sa’yo. May something sa dugo mo na gusto ko. Hmmnn..sayang crush pa naman sana kita.”
Bumunot ako ng malalim na hininga. Kinuha ko ang notebook ko. Magsusulat na sana ako pero muling naglakbay ang aking alaala.
Kilala ko siya. Hindi man maniniwala sa akin si Tzekai pero Grade 2, walong taong gulang ako nang unang nagkrus ang aming landas. Maaga kami noong pinauwi ng aming teacher at hinihintay ko si nanay. Doon kasi ako madalas sunduin sa malapit sa palengke at sag awing likod ay park. Naiinip akong naghihintay sa gilid ng daan at paikot-ikot ako sa isang post eng ilaw nang may batang tumatakbo hawak ang nakasupot na banana cue at tokneneng. Nang nakatapat na sa akin ay mabilis siyang nagtago sa mayabong na halaman.  Sumenyas siya sa akin na huwag akong maingay sa pamamagitan ng paglagay niya ng hintuturo niya sa gitna ng kaniyang labi. Nagtaka ako.
Ilang sandali pa ay may sumunod na tumatakbong humihingal na tinderang matabang babae. Huminto siya sa tabi ko na habol-habol ang kaniyang paghinga. Hinawakan niya ang kaniyang dibdib.
“Boy, may nakita ka bang dumaan dito na may hawak na nakasupot na banana cue at tokneneng? Nakaputi siya ng sando at itim na short.”
“Nakita ko nga ho. Tumakbo papunta ho sa direksiyon nay an.” Itinuro ko ang bahaging kaliwa para mailigaw ko lang ang tindera.
“Akala ko kasi may pera. Nang inabot ko na ang bibilhin niya saka siya kumaripas ng takbo. Naku naman! Kahit bata ngayon hindi na pala talaga mapagkatiwalaan.” Nanggigil ang matabang babae. “Makabalik na nga lang sa palengke. Buwisit na buhay ‘to! Kakapiranggot na nga lang ang kikitain pagnanakawan ka pa!”
Nang nakaalis na ang babae ay nilingon ko ang bata. Sinesenyasan niya ako para lumapit sa kaniya. Nagdadalawang isip ako para lapitan siya. Sabi kasi ni nanay, mag-ingat ako sa mga nasa patag dahil marami daw masasamang loob. Dahil sa nakita kong ginawa niya, sigurado akong isa siya sa mga masasamang loob na sinasabi ni nanay.
“Hoy bata. ‘Lika dito.”
Binawi ko ang tingin ko sa bata. Minabuti kong ibalik sa daan ang aking paningin, umaasang parating na si nanay. Kinamot ko ang tainga ko saka naglakad palayo doon sa tinaguan ng batang magnanakaw. Minabuti kong umupo na muna sa sementadong upuan sa park at binuklat ko ang libro ko sa Filipino. Alam din naman ni nanay na kung wala ako sa daan na naghihintay, maari niya akong puntahan sa park na nakaupo.
Pagkabuklat ko pa lamang sa aking libro ay may umupo sa tabi ko.
“Gusto mo?” alok niya sa akin sa hawak niyang nakasupot na banana cue. Hawak ng isang kamay niya ang tokneneng. Halos hindi ko maintindihan ang sinabi niya dahil puno ang bunganga niya ng isang buong saging.
Tinignan ko siya. “Hindi ako kumakain ng nakaw.” Maikli kong sagot.
“Yabang mo naman. Porke nag-aaral ka lang. Saka ako naman ang nagnakaw di naman ikaw. Hindi na nakaw iyon kapag sa akin mo kinuha. Bigay ko na iyon sa’yo. Bayad ko lang sa tulong mo kanina sa akin.”
“Nakaw pa din ‘yun.” Sagot ko.
Inilagay niya sa pagitan namin ang supot na naglalaman ng tokneneng. Kumuha siya ng isang stick ng banana cue.
“Bakit nga pala hindi mo ako itinuro kanina? Salamat ha.” Ngumunguya siya. Di pa niya nalulunok ang nginunguya ay kumagat na naman siya sa hawak niyang banana cue.
“Sarap hmnmn! Sarap talaga!” ipinakita niya sa akin kung gaano siya sarap na sarap sa pagnguya sa banana cue. “Heto pa pala, may tokneneng pa ako!” Sumubo siya ng isang tokneneng at kinamot niya ang kaniyang leeg. Nakatingin siya sa akin habang ngumunguya. Sarap na sarap siya. Di ko napigilan ang hindi mapalunok.
“Gusto mo? Sige na. Huwag ka nang mahiya.” Idinaan niya ang isang tusok ng banana cue malapit sa ilong ko. Naamoy ko ang aroma nito.
Kanina pa ako gutum na gutom dahil limang piso lang ang baon ko araw-araw. Kulang na kulang pa na pangkain ko sa umaga. Nagbabaon na ako ng kanin para sa tanghalian ko. Mula tanghalian hanggang hapon ay wala na akong kinain kundi uminom na lang ng tubig.
Naglabas siya ng isa na namang tokneneng sa supot. Ipinakita niya sa akin ang kaniyang pagsubo. “Kuha ka na.”
 Iniabot niya sa akin ang supot na may tokneneng.
“Hindi ako gutom.” Sagot ko. Pero pagkasabi ko palang doon ay tumunog na ang sikmura ko.
Nagkatinginan kami. Binuking pa ako ng sikmura ko. Kanina pa ako naglalaway lalo pa’t bumubukol na ang kaniyang bunganga sa dami ng kaniyang isinusubo. Ang tingin niya ay naging ngiti haggang sa napatawa siya sa akin.
“Oh! Hayan, pagbigyan mo ng sikmura mo. Sabi sa akin ni nanay kapag daw di ka kumain mabutas ang tiyan mo kasi kung wala ng tutunawin ang tiyan mo, isunod niyang tunawin ang mga bituka mo. Ikaw din, baka mabutas ang tiyan mo at kung butas na iyan sigurado akong kapag kumain ka o uminom didiretso na agad sa puwit mo.”
“Ganun ba ‘yun?” dahil sa laking gubat at bata. Madaling naniniwala.
“Oo no. Saka yung tunog na ganon ng sikmura mo kanina, ibig sabihin daw no’n nag-uumpisa ng binubutas ang tiyan mo kaya may tunog. Sige na, dami nito oh, di ko maubos.”
Tumingin ako sa kaniya saka ko tinignan ang pagkaing iniaabot niya sa akin. Napalunok ako. Muli ko siyang tinignan. Nakangiti siya. Ngumiti na din ako saka ko kinuha sa kamay niya ang pagkain. Bago ko isinubo ay muli kaming nagkatinginan. Hanggang sa sabay na kaming kumagat sa hawak-hawak naming banana cue.
“Sarap ‘no?” kinindatan niya ako.
“Oo nga. Sarap!” sagot ko.

“Ced, hoy, mangopya ka na kaya! Para kang sira diyan. Ano bang tinitingala mo sa kisame? Nasa harap ang kinokopya natin hindi diyan sa taas. Pangiti-ngiti ka pa. Kopya na, mamaya buburahin na yung nakasulat sa pisara. Di mo pa nasisimulan magsulat oh.” Tinignan ni Tzekai ang notebook kong wala pang naisulat kahit isang salita. Siniko niya ako. Nahulog ang ballpen na hawak ko.
“Anong pangalan niya?” tanong ko.
“Sino?”
“Siya. Yung nasa cover ng notebook mo.”
Tumingin siya sa akin. “Hmnnnn…”Lumiit ang mga mata niya. Nilapit niya ang kaniyang bibig sa tainga ko. “Umamin ka sa akin, girl ka din ano?”
“Tinatanong ko lang ang pangalan girl na agad? Boy ako. Kababata ko ‘yan kaya lang Mak-mak ang alam kong pangalan niya.”
“Mak-mak? E, Mark Kim Santiago ang buo niyang pangalan. Naku! Malapit nga sa sa Mark. Baka nga kababata mo siya. Cedrick ha, kung maalala ka niya at magkita kayo, pakikilala mo din ako ha.”
“Pakilala agad e, di nga ako sigurado kung siya ‘yan.”
“Carl at Cedrick! Mangongopya kayo o magtsismisan!” puna ng teacher namin. Sabay kaming yumuko at nagkunyaring abala sa pangongopya. Nang di na nakatingin ang teacher namin sa amin ay saka kami nagkatinginan at humagikhik ng mahina.

Kinahapunan si Papa Pat ang sumundo sa akin.
“Kumusta ang unang araw ng Grade 6? May friends ka na ba?”
“Okey lang po. May kaibigan na ho ako. Si Tzekai po.” Sagot ko.
“Bakit naman babae? Wala ka bang kaibigan na lalaki?”
“Lalaki ho siya ‘Pa.”
“Tzekai pero lalaki? Kakaibang pangalan. Sige, ipakilala mo na lang sa amin ng Papa Zanjo mo. Imbitahan mo siya sa bahay.”
“Opo. Sasabihan ko po siya.”
Napaisip ko noon. Halatang bakla si Tzekai. Paano ko siya ipakikilala kina Papa? Kahit pa alam kong ganun din sila ni Papa Zanjo ay parang naasiwa pa din ako. Nahihiya pa din ako noon. Suguro dahil iniiwasan ko din na isipin nila bakla din ako.
“Pa, puwede ako mag-internet mamaya pag-uwi ko sa bahay? Kailangan ko lang magresearch.”
“Sige ba, aalis naman ako agad. Sunduin ko Papa Zanjo mo at nagpapasama para dalawin ang kuya niya. Basta alam mo na kung ano muna ang bawal sa’yo sa internet ha?”
“Opo” sagot ko.
Pagdating sa bahay ay kumuha lang ako ng sandwich sa kusina at dumiretso na ako sa study room. Wala din si tita Claire at lola kaya si Manang lang ang kasama ko sa bahay. Pagka-open ko sa internet explorer ay agad kong ini-enter ang pangalang Mark Kim Santiago sa search box ng Google saka ko sinelect ang images. Lumabas ang mga picture ni Mak-mak. Huminga ako ng malalim. Lumakas ang kabog ng aking dibdib. Nahiwagaan ako kung bakit ganoon ang nararamdaman ko. Hindi kaya? Pero ayaw kong isipin. Sa tagal na hindi kami nagkita ay maaring namimiss ko lang siya. Nag log-in ako sa aking facebook. May pending friend invitation, si Tzekai. In-accept ko na muna ang friend request niya saka ako ini-enter muli ang pangalan ni Mark Kim Santiago sa Search Box ng Facebook. Lumabas ang napakaraming Mark Kim Santiago. Naguluhan ako. Hindi ko alam kung alin doon ang totoo. May nakita akong Fan page niya. Ni-like ko iyon. Napangiti ako. si Tzekai ang napakaraming post sa wall ni Mak-mak. Napaisip ako, nababasa niya kaya ang mga message namin at post sa wall niya. May higit limanlibo na ang likers sa fanpage niya. Sa limanlibong iyon, kung magmessage kaya ako mapapansin pa niya ako? Maalala niya kaya ako? Siya nga ba talaga ang kababata ko? Huminga ako ng malalim. Nagprint ako ng limang pictures niya. Pagkatapos ko iyong ma-print ay pumasok na ako sa kuwarto ko.
Idinikit ko ang isang cute na picture niya sa dinding ng kuwarto ko habang pinagmamasdan siya. Bakit naging ganito ang nararamdaman ko sa kaniya? Gustong-gusto kong pagmasdan ang kaniyang mukha. Ang kaniyang ngiti. Muli akong dinala ng ngiti na iyon sa nakaraan.

“Kuha ka pa nitong tokneneng. Sige na. Ubusin natin. Bukas dagdagan ko pa para mas mabusog tayo. Anong pangalan mo?” tanong niya sa akin habang puno ng itlog ang kaniyang bunganga.
“Cedrick.” Maikli kong sagot. Kumuha ako ng tokneneng.
“Ako si Mak-mak. Paano tropa na tayo ha! Dito lang naman ako tumatambay. Bago lang kami dito ni Mama. Sa Manila kami dati kaso mahirap ang buhay doon kaya umuwi kami dito sa Vizcaya pero mahirap din pala ang buhay dito. Nakikitira kami sa kamag-anak ni Mama ngayon kaso walang-wala din sila. Dahil walang pakialam si mama kung may makakain ako o wala kaya dumidiskarte na lang ako ng sarili ko para mabuhay. E, ikaw?”
“Doon kami sa bundok nakatira. Hinihintay ko si nanay dito para sunduin niya ako dito. Wala kang tatay?” tanong ko.
“May papa ako kaso ayaw daw niyang pangatawanan si Mama. May ibang pamilya daw kasi yung papa ko at naging katulong lang daw nila si Mama. Ewan ko kung totoo na artista daw ang papa ko. Kung artista siya di ko naman kilala. E, ikaw may tatay ka?”
“Oo meron.” Natigilan ako.
Mahigpit na bilin kasi ni nanay at tatay na di ako magsasalita ng kahit ano tungkol sa amin. Hindi dahil batang snatcher o magnanakaw ang kaharap ko at nakikipagkaibigan siya sa akin ay aaminin kong batang rebelde din ako.
“Buti pa ikaw, nag-aaral, ako ito, tambay. Dapat Grade 4 na ako ngayon e. Walang pampaaral si Mama sa akin kaya huminto ako. Anong grade mo na?”
“Grade 2.” Sagot ko.
“Mas matanda pala ako sa’yo ng dalawang taon. Wala pa akong kabigan dito. Tayo na lang ang magtropa ha? Hihintayin kita dito araw-araw para may kasama akong maglaro. Okey lang ba? Sagot ko na ang miryenda natin.”
“Masama daw ang magnakaw. Okey lang naman na maglaro tayo. Itigil mo na lang yung ganito. Baka mahuli ka.”
“Laking Maynila ‘to kaya huwag kang matakot. Matakot ka kung mamatay ka sa gutom. Wala akong aasahan. Kung di ko gagawin ito, hindi ako makakakain. Laging nasa sugalan si Mama, minsan lasing pa kung umuuwi. Yung mga kamag-anak naman ni Mama, grabe kung magtago ng pagkain nila. Buti pa nga yung aso nila nababatuhan nila ng buto, ako na kamag-anak nila wala.” Nangilid ang luha niya. Nakaramdam ako ng pagkaawa. Walang wala din naman ako kagaya niya kaya wala din akong alam na itulong lalo pa’t bata din lang kaming dalawa.
Sasagot pa sana ako nang makita kong padating na si nanay.
“Paano bukas na lang? Andiyan na si nanay.” Tumayo ako at naglakad na palayo. Bago ako tuluyang nakalayo ay nilingon ko siya. Kumindat siya sa akin. Ngumiti ako.
Kinabukasan ay hinintay ko na naman si Nanay sa gilid ng daan. Malayo palang ay nakita ko na ang mga kaklase kong laging nagbu-bully sa akin. Tinatawag nila akong kambing o kaya kalabaw. Dahil galing pa ako ng bundok, madalas putikan ako pagdating ko sa aming school kung tag-ulan. Kadalasan din dahon ng gulay at kanin ang ipinapabaon sa akin ni nanay.
Minsan ay inagaw ni Kennet ang bag ko at pinagpasa-pasahan nila iyon. Natapon ang laman ng bag ko kasama ng baunan ko. Kumalat sa sahig ang laman nitong kanin at gulay. Napaiyak ako noon, hindi dahil sa wala na akong kakainin kundi dahil sa pang-aalipustang ginawa nila sa akin. Pinagtatawanan nila ako dahil sa aking kahirapan. Ngunit hindi ako lumaban. Kahit anong ginagawa nila sa akin, ayaw kong lumaban. Umiiwas na lang ako.
Noong Grade 1 kasi ako, sinubukan kong lumaban pero pinagkaisahan nila ako. Wala akong kakampi. Madami sila, mag-isa lang ako. Kaya tinitiis ko na lang kung anuman ang ginagawa nila sa akin. Umiiwas ako kung kaya kong umiwas. At alam kong kapag makita nila ako nagyon ay kakantihin na naman nila ako. Magtatago sana ako sa likod ng malagong halaman ngunit nakita na ako ni Kennet. Nagtatawanan silang lumapit sa akin.
“Nandito pala si kambing! Oh ano, daming damo diyan oh! Kumain ka na muna! Tabi!” sabay tulak niya sa akin. Pinaghandaan ko ang tulak na iyon.
Hindi ako natinag.
“Lumalaban oh! Lalaban ka!” singhal niya sa akin.
Nagtawanan ang tatlong kasama niya.
Hindi ako sumagot. Sa araw na iyon ay punum-puno na ako sa pang-alipusta nila sa akin. Muli niya akong itinulak. Ngunit bago niya gawin iyon ay ubod lakas ko na din siyang itinulak. Hindi niya iyon napaghandaan kaya siya ang napaupong sumadsad sa damuhan. Mabilis siyang tumayo. Inambaan ako ng suntok ngunit mabilis akong umilag saka ko siya mabilis na sinipa sa tagiliran. Turo iyon sa akin ni kuya Jacko at kuya Zanjo. (Kuya pa ang tawag ko kay Papa Zanjo noon.) Lumapit ang isa sa kanila habang pumuwesto na din ang dalawa pa. Hinarap ko sila ng buong tapang. Malikot ang aking mga mata.
Sinuntok ako ng isa ngunit dumaplis iyon at pumasok ang isinabay kong suntok sa kaniyang sikmura. Kinuha ni Kennet ang pagkakataong iyon para makatayo. Mabilis ang dalawang hawakan ako sa magkabilang braso. Galit na galit si Kennet na humarap sa akin. Inambaan ako ng suntok sa mukha. Bago dumapo ang suntok niya ay isang malakas na sipa ang aking pinakawalan ngunit hindi siya tinamaan. Mabilis na tumayo ang pangatlo at pinilipit nila ang kamay ko patalikod. Wala na akong magawa kundi hintayin ang pambubogbog nila sa akin. Nang itinaas na ni Kennet ang kaniyang kamao para suntukin ako sa mukha ay napapikit ako. Ngunit hindi iyon dumapo. May kalabog akong narinig. Pagbukas ko ng aking mga mata ay nakita ko si Mak-mak na hawak ang isang kamay ni Kennet patalikod at hinila niya ang buhok nito sa likod pababa kaya nakatingala siya.
“Bitiwan ninyo ang tropa ko kung ayaw ninyong baliin ko ang kamay nito!” si Mak-mak.
“Aray ko! Aray! Bitiwan ninyo siya!” nahihirapang bilin ni Kennet sa mga kasama niya dahil lalong pinilipit ni Mak-mak ang kamay nito at hinila ang buhok nito pababa kaya lalo siyang napatingala.
Nang binitiwan ako ng tatlo ay binitiwan na din ni Mak-mak si Kennet ngunit pagkabitaw sa kaniya ni Mak-mak ay mabilis niya itong binigwasan ng suntok. Dumapo ang kamao ni Kennet sa pisngi nito ngunit bago makaulit si Kennet ay binigyan na ni Mak-mak ng sunud-sunod na suntok sa mata, nguso at nang bumagsak ay nagsitakbuhan na ang kaniyang mga kasama. Umatras si Kennet at nakita ko sa mukha niya ang takot. Lumapit si Mak-mak sa kaniya at padausdos naman si Kennet palayo.
“Tandaan mo ‘to. Kapag sinaktan mo pang muli ang tropa ko, baka hindi lang iyan ang matitikman mo sa akin. Ano ha! Lalaban ka pa!” singhal ni Mak-Mak.
Mabilis na tumayo si Kennet at tumakbong hindi na lumingon pa. Lumapit sa akin si Mak-mak. Inakbayan niya ako.
“Ano ha! Kita mo? Apat kontra dalawa napasuko natin sila! Wala ka lang kasi bilib sa akin e.”
Tinanggal ko ang kamay niyang nakapatong sa balikat ko. Tumingin ako sa pisngi niyang tinamaan ng suntok ni Kennet. Hinwakan ko iyon kasi namumula.
“Masakit ba?” tanong ko.
Hinawakan niya ang kamay kong nakahawak sa pisngi niya. Ngumiti. Nilayo ko ang kamay ko sa nakahawak niyang kamay sa akin.
 “Salamat.”  Matipid kong wika.
“Wala ‘yun. Tropa tayo e, laban ng isa, laban nating dalawa. Pagkain ng isa, isusubo nating dalawa. Ano, okey ba?” kumindat siya.
“Ayos!” sagot ko.
“Dyaran!” may inilabas siya mula sa kaniyang likod. “Kita mo to ha! Kita mo? Sarap nito. Nadekwat ko pa doon sa kabilang kanto. Abala yung ale na nagluluto kanina kaya di niya alam na nadekwat ko na ang nasa mesa niya. Nakatikim ka na ba neto?”
“Ano ‘yan?” tanong ko. Sa totoo lang pati nga ang tokneneng kahapon minsan ko lang iyon natitikman. Pangalawa palang kahapon.
“Empanada ‘to. Halika doon tayo at pagsaluhan natin ito. Alam ko gutom ka na.”
At doon nagsimula ang halos isang buwan naming pagkakaibigan ni Mak-mak. Madalas nakikipag-unahan pa ako sa pagtakbo palabas sa gate pagkatapos ng aming flag retreat para mas maaga ko siyang makita. Pagkatapos naming pagsaluhan ang kaniyang ninakaw at kung wala pa si nanay ay naglalaro kami ng habulan o kahit anong maisipan naming gawin. Minsan nga naiinip na ako sa school dahil gusto kong hilain ang oras para muli kaming maglaro. Di lang kasi yung masarap na pagkain ang habol ko kundi yung may nakakalaro ako. Yung maranasan kong maging masaya kasama ng isang kaibigan na halos kasing edad ko lang. Sa school halos walang gustong makipaglaro sa akin kaya sa recess madalas nanonood lang ako sa kanila. Sa bundok naman, ako lang ang bata doon. Kaya iba ang sayang naibigay sa akin ni Mak-mak noon sa akin.
“Bukas magkaroon na tayo ng bola. Gamitin natin sa paglalaro. Di na ako masaya sa laro nating habulan saka tumbang preso. Dapat may bola tayo.” Nakangiti niyang wika sa atin.
“Magnanakaw ka na naman?” mahinang tugon ko.
“May pera ba tayong pambili? Kung hihingi ako ayaw naman nila ibigay kaya nakawin na lang.”
“Masama ‘yan. Huwag na lang. Baka mahuli ka pa.”
“Ako ang bahala. Wala ka kasing bilib sa akin e.”

Isang hapon habang hinihintay ko siya at si nanay ay nakita ko siyang tumatakbo kasunod ng mga tanod. Hindi na tindera ang humahabol sa kaniya noon, mga tanod na na may hawak na batuta. May hawak siyang bola sa kaliwang kamay niya at barbecue sa kanan. Ilang dipa na lang ang layo niya sa mga humahabol sa kaniya. Mabilis siyang tumakbo ngunit mas mabilis ang mga humahabol sa kaniya.
Hindi ko alam kung paano ko siya tutulungan noon. Nakita ko ang takot sa kaniyang mukha. Gusto ko siyang saklolohan ngunit hindi ko alam kung paano lalo pa’t mas bata pa ako sa kaniya.
Nangilid ang aking luha. Hindi ko napigilan ang aking mga mata. Kinuha ko ang isinabit kong litrato ni Mak-mak sa dinding. Kung sana alam lang niya ang naging bunga ng ginawa niyang iyon. Kung sana nakinig siya sa akin na itigil na niya ang pagnanakaw. Ang tahimik na pagluha ay nauwi sa isang matinding paghagulgol dahil muling bumalik ang lahat na nangyari nang araw na iyon.